Nagkomento na ang Malacañang sa kontrobersiyal na pahayag ni Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay, kung saan ginamit niya ang actress-host na si Anne Curtis habang dinidinig ang tungkol sa isyu noon ng pagiging “designated survivor” ni Vice President Sara Duterte.
Kaugnay ito sa ginaganap na pagdinig ng House Committee on Justice hinggil sa impeachment complaints na nakahain laban kay VP Sara.
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkules, Marso 4, sinabi ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na hindi puwedeng sabihing walang krimen sa naturang kontrobersiya.
“Patungkol sa sinasabi na naging usapin patungkol sa kababaihan… Unang-una po, ang pag-iimagine o pagpapantasya sa isang babae, kung ito’y nasa isip lamang, hindi natin masasabing ito’y krimen dahil hindi ito naisisiwalat—nasa puso, nasa utak ng isang lalaki,” saad ni Usec. Castro.
Giit niya, “Pero ‘pag ito’y ibinulalas niya at ipinagmalaki sa publiko, ang kaniyang pagpapantasya sa isang babae, this is definitely a sexual innuendo. Hindi po ito masasabing walang krimen. The mere fact na sinabi niya ‘to in public, to the public, pertaining to a particular person, it is already covered by ‘Safe Spaces Act.’ So, hindi puwedeng sabihin na walang krimen kung ito’y ibinulalas at ipinagmalaki pa sa publiko ang isang pagpapantasya sa isang babae.”
Ibinahagi rin ng press officer na siya ay na-offend para sa lahat ng mga kababaihan, matapos bitawan ni Rep. Suntay ang mga kontrobersiyal niyang pahayag.
“Na-offend ako para sa lahat ng kababaihan—lalo na kung ipagmamalaki pa na karangalan ng isang babae na siya ay pagpantasyahan. Dapat pa bang ipagpasalamat na ang lalaki ay nag-iisip nang malaswa sa iyong pagkababae?” anang press officer.
Natanong din si Usec. Castro kung sapat na nga raw ba ang ginawang apology ni Rep. Suntay.
“Nagawa niya na e, consumated na po. Nakita na po natin kung ano ang nasa isip niya, kung paano siya mag-isip, at kung papaano siya magkilos kung mayroon siyang nakikitang magandang babae,” ani Castro.
“Siguro, mas maganda pong itanong n’yo ‘yan sa wife ni Cong. Suntay,” pagtatapos niya.
Matatandaang humingi si Rep. Suntay ng tawad kay Anne, ngunit nanindigan siyang hindi malisyoso ang kaniyang mga tinuran.
“While may mga tao siguro that found the analogy in bad taste, doon sa mga na-offend, inuulit ko, walang malice doon sa ninais nating gawin doon sa statement na iyon. Ayaw natin makasakit through that analogy. But kung may nasaktan, humihingi tayo ng dispensa. Kay Ms. Anne Curtis din, kung nasaktan siya sa sinabi, uulitin ko, there was no malice intended at tayo humihingi ng dispensa sa kaniya,” saad ni Rep. Suntay sa panayam ng media nito ring Miyerkules, Marso 4.
MAKI-BALITA: Rep. Bong Suntay, nag-sorry kay Anne Curtis: ‘There was no malice intended!’-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA