Nagbigay ng paglilinaw si Sen. JV Ejercito sa nauna niyang pahayag hinggil sa posisyon niya sa napipintong impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa latest Facebook post ni Sen. JV nitong Lunes, Marso 2, sinabi niyang gagawin niya umano ang kaniyang trabaho bilang senador sa usapin ng impeachment.
Aniya, “As senator-judges, impeachment is our constitutional duty. We will do our job.”
“Pero sana, pagkatapos ng lahat ng ito, huwag nating kalimutan ang mas mahalagang laban: ang pag-unlad ng bansa, trabaho, imprastruktura, healthcare, at seguridad sa pagkain,” dugtong pa ni Sen. JV.
Ayon sa kaniya, hindi maaaring magpatuloy ang mga bangayang pampolitika sa Pilipinas habang ang karatig-bansa nito ay umaabante na.
Matatandaang inihayag ni Sen. JV noong Linggo, Marso 1, na simula’t sapul ay hindi umano siya pabor sa impeachment kontra VP Sara dahil masyado umano itong mapanghati at dagdag sagabal lamang.
Maki-Balita: ‘Nakakadagdag sagabal!’ Sen. JV, ‘di pabor sa impeachment trial vs. VP Sara