Nanindigan ang Malacañang na patuloy ang pag-usad ng mga ikinakasang imbestigasyon ng pamahalaan hinggil sa isyu ng korapsyon at maanomalyang flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kaugnay ito sa panawagan ng religious group na Iglesia ni Cristo (INC) sa tila kawalan umano ng kalutasan sa mga nasabing isyung kinahaharap ng bansa sa kasalukuyan.
"Mahigit tatlong buwan na ang lumipas subalit wala pa ring natatanaw ang mga mamamayan na kalutasan sa napakalaking pangungulimbat sa kaban ng bayan," saad ni INC spokesperson Bro, Edwil Zabala kamakailan.
MAKI-BALITA: 'Papanagutin ang dapat managot! INC, nanawagang tuldukan na ang malawakang katiwalian sa bansa-Balita
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Marso 2, sinabi ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na kasabay ng mga imbestigasyon ay ang pagtutok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pag-angat ng antas ng ekonomiya ng Pilipinas.
“Katulad po ng ating sinabi, ang tinututukan po ngayon ng Pangulo ay ang ekonomiya. Pero, hindi po iniiwan ang kaniyang pangako na dapat managot ang dapat na managot,” saad ni Castro.
Ayon pa sa press officer, nakaantabay na ang mga tamang ahensya para sa mga nabanggit na isyung dapat imbestigahan.
“Ang sa Pangulo lamang po, ay nandiyan na po ang mga tamang ahensya dahil napasimulan niya na po ito—nagabayan na po at naiutos na—at nandiyan na po ang [Independent Commission for Infrastructure] ICI, pati po ang Ombudsman, ang [Department of Justice] DOJ na nagpapatuloy po sa pag-iimbestiga,” anang press officer.
“Hindi rin naman po tumitigil ang [Department of Public Works and Highways] DPWH para malaman ang mga anomalyang naganap sa pag-aabuso sa pondo ng bayan,” dagdag pa niya.
Sa parehong press briefing, sinabi naman ng Palasyo na nakipag-ugnayan na sila sa Office of the Executive Secretary (OES) upang makuha na ang pinakahuling balita ukol sa ICI.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee, Iglesia ni Cristo magkapatid sa katotohanan at pananagutan-Balita
KAUGNAY NA BALITA: INC, pinabubuksan sa publiko ang imbestigasyon ng ICI-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA