Patay na at tadtad pa ng saksak ang katawan ng dalawang menor de edad nang matagpuan sila sa isang sementryo sa Morong, Rizal.
Ayon sa mga ulat, nasa edad 12 taong gulang ang lalaking biktima habang 13-anyos naman ang dalagitang biktima na magkasunod na pinagsasaksak ng 18-anyos na suspek.
Lumalabas sa imbestigasyon na huling nakitang buhay ang mga biktima sa isang computer shop, bago sila ayain ng suspek patungo umano sa isang sementeryo.
Sinasabing nakainom na raw noon ang suspek na napag-alamang pinsan ng babaeng biktima. Sawi umano ito sa pag-ibig matapos siyang mabasted ng nililigawan niya.
Hinala ng pulisya, posible umanong may nasabing hindi maganda ang mga biktima, na nagtulak sa suspek para gawin ang krimen.
Nasakote ng mga awtoridad ang suspek na nagawa pa raw magpakita sa magulang ng babaeng biktima at mag-alok ng tulong upang mahanap ang mga ito. Isang imbestigador ang nakapansin sa ilang sugat sa kamay ng suspek at bahid din ng dugo, dahilan upang masukol ito at napaamin sa krimen.
Itinuro din ng suspek kung saan niya itinapon ang kutsilyong ginamit sa crime scene.
Samantala, ayon sa kaanak ng lalaking biktima, napilitan lang daw na sumama ang lalaking biktima matapos daw itong tutukan ng kutsilyo.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na nakatakdang sumailalim sa inquest proceedings.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang isinailalim na sa autopsy ang mga labi ng mga biktima upang matukoy ang sanhi ng kanilang pagkamatay.