Tinatayang umabot na sa 54 na Pilipino ang nagpaabot ng interes para ma-repatriate kasunod ng nagpapatuloy na sigalot sa Middle East.
Ayon kay Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola, nasa 32 turista at 22 Overseas Filipino Worker (OFWs) ang nagpahayag ng kanilang kagustuhang makabalik na ng bansa.
"Sa tala namin may 54 na request for repatriation, 32 ang mga turista na na-stranded dito, may 22 na OFW na nag-signify, yung interest nila to repatriate," ani Mendiola sa isang panayam nitong Lunes, Marso 2, 2026.
Paglilinaw niya, malaking pagsubok daw ang kawalan ng flights papasok at palabas ng Israel upang matugunan ang hiling ng nasabing bilang ng mga Pilipino.
"Again ang challenge kung paano sila imo-move. Una siguro yung mga turista kasi wala silang bahay dito so nakikipag-coordinate kami sa Ministry of Tourism ng Israel kung paano mamo-move pati dun sa travel agents. Yun nga lang, I have to emphasize, mahirap dahil yung ibang land crossings sarado, walang eroplano," saad ni Mendiola.
Samantala, matatandaaag isang Pilipinang OFW na ang kumpirmadong nasawi sa sigalot sa pagitan ng US-Israel vs Iran war.
KAUGNAY NA BALITA: 'Tinamaan ng shrapnel ng bomba!' Pinay caregiver sa Israel, namatay habang tinutulungan ang alaga
Kaugnay nito, tiniyak naman ng pamahalaan ang pagpapaabot ng tulong sa kaanak ng biktima at inihayag na patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa asawa ng nasabing caregiver na Pilipina.
KAUGNAY NA BALITA: Philippine Embassy, tiniyak 'full assistance' sa pamilya ng nasawing Pinay caregiver sa Israel