Nakiusap si dating presidential spokesperson Harry Roque kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kahit panandalian ay ipasa muna nito ang pagkapresidente kay Vice President Sara Duterte.
Kaugnay ito sa patuloy na tensyong nagaganap sa pagitan ng puwersa ng Estados Unidos at Israel laban sa bansang Iran—na nagdudulot ng pagkasira ng mga establisyimento at pagkasawi ng mga sibilyan.
Sa ibinahaging Facebook post ni Roque noong Linggo, Marso 1, idiniin niya na kailangan umano ng mga apektadong Pilipino sa Middle East ang agarang tulong mula sa pamahalaan.
“Pakiusap kay Marcos Jr: sa kabila ng putukan sa Gitnang Silangan at ang iyong bisyo at karamdaman na mukhang pinagtatakpan, paki bigay po, maski panandalian, ang kapangyarihan ng tanggapan ng Presidente kay Inday Sara Duterte dahil kailangan ng ating mga kababayan ang mabilisang tulong lalong lalo na ang mga kababayan natin sa gitnang silangan. Please lang po!” saad ni Roque sa kaniyang post.
Photo courtesy: Harry Roque/FB
Samantala, noon ding Linggo, Marso 1, inabisuhan ni VP Sara ang mga apektadong Pinoy sa nasabing rehiyon na mag-ingat sa nagaganap na girian.
“Dahil sa kamakailang paglala ng tensyon at labanan sa ilang bahagi ng Gitnang Silangan, hinihikayat ang lahat ng Filipino na kasalukuyang naninirahan o naglalakbay sa rehiyong ito na manigurado sa pag-iingat at pagsagawa ng mga kinakailangang hakbang upang mapangalagaan ang inyong kaligtasan,” saad ni VP Sara.
MAKI-BALITA: VP Sara, nag-abiso sa mga Pinoy sa Middle East na mag-ingat sa sigalot ng US-Israel, Iran-Balita
Sa hiwalay namang pahayag, ipinanawagan naman ni Sen. Risa Hontiveros sa pamahalaan ang isang malinaw na contingency plan at repatriation process para sa mga Pilipinong nasa Middle East.
“Dapat tiyakin ng pamahalaan na malinaw at mabilis ang mekanismo para sa repatriation ng mga kababayan nating gustong umuwi, may sapat na pondo para sa kanila, at maayos ang koordinasyon ng bawat ahensya. Kasabay nito, kailangan ding may malinaw na contingency plans, hindi lamang para sa ligtas na pag-uwi ng ating mga OFWs, kundi pati sa kanilang kabuhayan, at sa posibleng epekto ng krisis sa energy, oil, at gas supply ng ating bansa,” ani Sen. Risa.
MAKI-BALITA: Sen. Risa, ipinanawagan 'malinaw' na contingency plan, repatriation ng mga Pinoy sa Middle East-Balita
Sa kasamaang palad, isang Pinay caregiver sa Israel ang napaulat na nasawi sa naturang tensyon, base sa kumpirmasyon ni PBBM noon ding Linggo, Marso 1.
"Nakikiisa tayo sa taos-pusong pakikiramay sa pamilya ni Mary Ann Velasquez De Vera, isang OFW na caregiver sa Israel na nasawi habang sinusubukang iligtas ang kanyang alaga sa gitna ng kaguluhan sa rehiyon," saad ni PBBM.
MAKI-BALITA: 'Tinamaan ng shrapnel ng bomba!' Pinay caregiver sa Israel, namatay habang tinutulungan ang alaga-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA