March 03, 2026

Home BALITA National

DMW, tiniyak agarang suporta, tulong sa naulila ng nasawing Pinay caregiver sa Israel

DMW, tiniyak agarang suporta, tulong sa naulila ng nasawing Pinay caregiver sa Israel
Photo courtesy: Department of Migrant Workers/FB, Wikimedia Commons/website


Siniguro ng Department of Migrant Workers (DMW) na magbibigay sila ng tulong at suporta para sa pamilya ng namatay na caregiver sa Israel kamakailan, matapos nitong tulungan ang kaniyang matandang alaga na makarating sa isang bomb shelter.

Namayapa ang Pinay caregiver na si Mary Ann Velazquez De Vera noong Sabado, Pebrero 28, matapos tamaan ng shrapnel ng bomba, sa gitna ng lumalalang tensyon sa pagitan ng puwersa ng Estados Unidos at Israel kontra sa bansang Iran—na ikinamatay na rin ng daan-daang sibilyan.

MAKI-BALITA: 'Tinamaan ng shrapnel ng bomba!' Pinay caregiver sa Israel, namatay habang tinutulungan ang alaga-Balita

Sa ibinahaging pahayag ng DMW sa kanilang Facebook post nitong Lunes, Marso 2, tiniyak nila na reresponde ang kanilang ahensya upang matulungan ang pamilya ng nasabing OFW—na nakabatay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., tinitiyak ng DMW, ng Overseas Workers Welfare Administration, at ng Philippine Embassy in Israel ang buong suporta at agarang tulong sa kaniyang pamilya,” saad ng DMW sa kanilang pahayag.

Anila, “Patuloy din na inaalala ng buong pamahalaan at sambayanang Pilipino ang lahat ng ating mga kababayan na apektado ng patuloy na krisis sa Gitnang Silangan—nananatili kaming nakaagapay at nakahandang tumulong sa bawat Pilipino saan man naroroon.”

Photo courtesy: Department of Migrant Workers/FB

Sa isinagawa namang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nito ring Lunes, Marso 2, kasama ang DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na hihintayin daw nila ang tamang panahon upang maiuwi na ang labi ng nasawing caregiver sa Pilipinas.

“We will wait for the right time to do this… So, naiintindihan naman din ng pamilya ‘yon; as I said, the husband is in Israel. So, we will wait for the appropriate time na mapauwi ‘yong labi ni OFW Mary Anne…,” ani Cacdac.

Vincent Gutierrez/BALITA