Inaasahan na ng Department of Energy (DOE) ang posibilidad ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa Pilipinas bunsod ng nagaganap na kaguluhan sa Middle East, kasunod ng girian sa pagitan ng Iran-Israel at United States.
"Ang presyo talaga taas 'yan. I will not sugarcoat it. Sabihin mo na may oil na darating, tataas talaga dahil sa tensyon. The stress of the market will increase the price hanggang mag-stabilize 'yan. We need to expect that," saad ni DOE Sec. Sharon Garin sa kaniya ng panayam sa media nitong Lunes, Marso 2.
Aniya pa, patuloy nilang binabantayan ang supply ng petrolyo sa bansa dahil tinitingnan ang matagal pang pagsasara ng Strait of Hormuz, na dinadaanan ng oil shipping products ng buong mundo.
"Mino-monitor lang namin yung supply kasi. Sisiguraduhin natin na maron tayo kasi baka tumagal ang pagsara ng Strait of Hormuz. D'yan dumadaan ang shipping ng mga oil products so malaki ang dependence natin d'yan. I want us to prepare na in case ilang araw o ilang linggo na hindi makadaan ang oil deliveries at ano ang status ng supply natin," paninigurado ni Garin.
MAKI-BALITA: ‘We need to expect that!' DOE, kinumpirma posibilidad na pagratsada ng presyo ng produktong petrolyo
DAHIL DITO, ANO NGA BA ANG ‘STRAIT OF HORMUZ’ AT ANG GAMPANIN NITO SA SUPPLY NG PETROLYO SA BANSA?
Ayon sa US Energy Information Administration (EIA), ang Strait of Hormuz ay matatagpuan sa pagitan ng Oman at Iran, at kinokonekta nito ang Persian Gulf, Gulf of Oman, at ang Arabian Sea.
Ang Strait of Hormuz ay isa sa mga itinuturing na pinakaimportanteng oil chokepoints sa buong mundo dahil malalaking dami ng krudo ang dumadaloy rito.
Saad pa sa EIA, noon lamang 2024, naitalang 20 milyon barrel sa isang araw ang dumadaloy sa strait, na bumubuo sa 20% global petroleum liquids consumption.
Ayon sa ulat ng The Guardian, ang mga bansang bumubuo ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) – Saudi Arabia, Iran, United Arab Emirates (UAE), Kuwait, at Iraq, ay nag-eexport ng kanilang krudo mula sa strait, na nagsusuplay pa sa ibang bansa sa Asya tulad ng China, India, Japan, at South Korea.
PAANO NAAAPEKTUHAN NG KASALUKUYANG SIGALOT SA MIDDLE EAST ANG SUPPLY NG KRUDO SA STRAIT OF HORMUZ?
Dahil sa kasalukuyang nagaganap na sigalot sa pagitan ng mga bansang Iran-Israel at United States, nagbabala ang ilang analysts ng pagtaas sa presyo ng krudo matapos magbabala ang mga opisyal ng Iran na ipasasara ang Strait of Hormuz, ayon sa ulat ng Al Jazeera.
Saad pa rito, noong Sabado, Pebrero 28, isang opisyal mula sa European Union (EU) ang nagsabi na ilang sasakyang pandagat ang nakatanggap ng “very high frequency (VHF) transmissions mula sa elite Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran na nagbabawal sa iba pang sea vessels dumaan sa strait.
Gayunpaman, binanggit naman ng nasabing EU official na hindi opisyal ang pagpapasara ng Iran sa strait, ngunit, ang ilang nagmamay-ari ng tanke ay nagsuspinde ng kanilang oil at gas shipments sa strait sa kasagsagan ng gulo.
KAUGNAY NA BALITA: Ilang oil and gas traders sa Middle-East, nagsuspinde ng operasyon dahil sa US-Israel attacks
Kaya ipinanawagan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang ceasefire at mapayapang dayalogo noong Linggo, Marso 1, dahil ang Pilipinas, bilang net importer krudo, ay tiyak na mararamdaman ang global na pagtaas ng presyo nito.
Bukod pa rito, nakikita rin ng PCCI na isa itong banta sa ekonomiya ng Pilipinas, dahil na rin 100% ng oil imports ng bansa ay nagmumula sa Middle East.
Kaya, idinidiin ng grupo sa DOE na pabilisin ang paglipat ng bansa sa paggamit ng renewable energy at iba pang domestic power sources bilang pangmatagalang solusyon sa krudo, kahit na may nagaganap na mga sigalot sa ibang parte ng mundo.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakit inatake ng US at Israel ang Iran na nagdulot ng tensyon sa Middle East?
Sean Antonio/BALITA