Mariing kinondena ni United Nations (UN) Secretary General Antonio Guterres ang lumalalang girian sa rehiyon ng Middle East.
Kasunod ito ng pag-atakeng isinagawa ng Estados Unidos at Israel sa bansang Iran, na nagdulot ng pagkasira ng mga establisimyento at pagkasawi ng ilang mga tao—kabilang na ang supreme leader ng Iran na si Ayatollah Ali Khamenei at mga kaanak nito.
KAUGNAY NA BALITA: Kaanak ni Iranian supreme leader Ali Khamenei, nasawi sa airstrikes ng US, Israel-Balita
Sa isang X post na ibinahagi ni Guterres nitong Linggo, Marso 1, iginiit niya na ang tensyon sa pagitan ng mga bansa ay maaaring makaapekto sa “international security.”
“I condemn the military escalation in the Middle East today,” ani Guterres sa kaniyang post.
Giit niya, “The strikes by the US & Israel against Iran & the subsequent attacks by Iran undermine international security.”
Paglalahad pa niya, matatamasa raw ang pangmatagalang kapayapaan, kung ito ay dadaanin din sa mapayapang usapan.
“These actions carry the risk of igniting a chain of events that no one can control in the most volatile region of the world. Lasting peace can only be achieved through peaceful means, including genuine dialogue and negotiations,” aniya.
“The @UN Charter provides the foundation for the maintenance of international peace & security,” pagtatapos niya.
Base sa ulat ng Associated Press (AP), nag-ugat ang ikinasang pag-atake ng US at Israel sa bansang Iran sa layon ng dalawang bansa na pigilan umano ang huli sa pagbuo ng “nuclear weapon,” at pahinain ang kakayahang militar nito.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Bakit inatake ng US at Israel ang Iran na nagdulot ng tensyon sa Middle East?-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA