Inanunsyo ng Department of National Defense (DND) na nakaantabay ang kanilang ahensya sa malalang tensyong nagaganap sa kasalukuyan sa rehiyon ng Middle East.
Ito ay matapos magpakawala ng airstrikes ang mga bansang Estados Unidos at Israel sa bansang Iran, na nagdulot ng pagkasira ng mga establisyimento at pagkamatay ng mga tao.
Sa pahayag na inilabas ng DND nitong Linggo, Marso 1, sinabi nilang kasama nila ang ilan pang ahensya ng gobyerno sa pagbabantay ng naturang kaganapan.
“Maigting na nakasubaybay ang Kagawaran ng Tanggulang Pambansa sa sitwasyon sa Gitnang Silangan, kasama ang DFA, DMW, at iba pang ahensya ng gobyerno,” saad ng DND.
Anila, “Nananatili ring handa ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na tumugon sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan kasama na ang paglikas sakaling ito ay ipag-utos.”
“Sa kasalukuyan, ang gulo ay nananatili lamang sa Gitnang Silangan at walang inaasahang direktang banta sa ating teritoryo, maging sa mga Pilipino at dayuhang nasa bansa,’ dagdag pa nila.
Pag-udyok ng ahensya sa taumbayan, manatiling alerto kaugnay sa anumang impormasyong lalabas hinggil sa nasabing kaguluhan.
"Hinihikayat namin ang publiko na maging mapagmatyag laban sa dis-impormasyon at kinokondena natin ang mga pagpapalaganap ng takot sa ganitong mga pagkakataon,” anila.
“Gayunpaman, nakahanda ang DND at ang AFP na tumugon sa mga posibleng kaganapan, kabilang ang posibleng suporta sa paglikas at koordinasyon sa pagtugon sa krisis para sa mga Pilipino sa mga apektadong bansa, kung kakailanganin batay sa sitwasyon,” dagdag pa nila.
“Ang proteksyon ng ating mga kababayan sa ibayong-dagat ay ating pangunahing prayoridad, lalo na sa gitna ng mabilis at nagbabagong kalagayang panseguridad,” pagtatapos nila.
Photo courtesy: Department of National Defense/FB
Batay sa inilabas na ulat ng Associated Press (AP), nagsimula ang tensyon sa pagitan ng mga nabanggit na bansa dahil nais ng Estados Unidos at Israel na pahinain ang kakayahang militar ng Iran, at pigilan umano silang bumuo ng isang “nuclear weapon” upang mapalakas ang kanilang puwersa.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Bakit inatake ng US at Israel ang Iran na nagdulot ng tensyon sa Middle East?-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA