March 01, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Bakit inatake ng US at Israel ang Iran na nagdulot ng tensyon sa Middle East?

ALAMIN: Bakit inatake ng US at Israel ang Iran na nagdulot ng tensyon sa Middle East?
Photo courtesy: Freepik/MB File Photo

Bago tuluyang matapos ang Pebrero, nagimbal ang buong mundo sa tensyong naganap sa pagitan ng mga bansa sa Middle East partikular sa Israel kasama ang United States of America, laban sa bansang Iran.

Pormal na inanunsyo sa publiko ni US President Donald Trump ang pagsisimula nila ng pag-atake sa Iran.

Kaugnay na Balita: US Pres. Donald Trump, inanunsyo simula ng major combat operation vs Iran!

Nagawang isa-isahin ni Trump ang umano’y matagal na umanong mga pag-atake ng rehimen ng Iran sa kanilang mga militar, mamamayan ng US, at iba’t ibang mga bansang kakampi nila.

Kaugnay na Balita: Trump, nagbabala sa Iran: 'Lay down your weapons or face certain deaths!'

Human-Interest

ALAMIN: May batas ba ang Pilipinas laban sa bullying?

Ang Iran ay pinamumunuan ng kanilang supreme leader na si Ayatollah Ali Khamenei.

Ayon sa mga ulat, dati nang nagsilbi si Khamenei bilang pangulo ng Iran mula 1981 hanggang 1989. Simula 1989, nanungkulan siya sa Iran bilang supreme leader sa loob ng 36 na taon.

Kaugnay na Balita: KILALANIN: Sino si Ayatollah Ali Khamenei?

Siya nga raw ang may hawak ng record na "longest-serving head of state in the Middle East" bago siya napaulat na napaslang nitong US-Israel strikes, kasama ang kaniyang anak, apo, at mga manugang.

Kaugnay na Balita: Kaanak ni Iranian supreme leader Ali Khamenei, nasawi sa airstrikes ng US, Israel

Ngunit bakit nga ba na-trigger ang US at Israel, na magkaalyadong bansa, na umatake sa Iran?

Batay sa ulat ng The Associated Press (AP), nagsagawa ng malawakang opensiba ang US at Israel laban sa Iran bilang isang hakbang upang pahinain ang kakayahang militar ng Tehran, kabisera ng Iran, at pigilan umano ang pagbuo nito ng sandatang nukleyar o nuclear weapon.

Dalawang araw bago ang pag-atake, muling nagkaroon ng usapan sa pagitan ng US at Iran kung saan pinipilit ng Washington ang Tehran na limitahan ang nuclear program nito. Matagal nang iginigiit ng Iran na para lamang sa mapayapang layunin ang kanilang nuclear program.

Unang target sa pag-atake ang compound ni Khamenei.

Isa raw sa mga unang tinamaan ng airstrike ang lugar malapit sa tanggapan ng 86-anyos na si Khamenei. Ayon sa militar ng US, target ng opensiba ang mga pasilidad ng Revolutionary Guard, missile at drone launch sites, air defense systems, at mga paliparang militar.

Iginiit ng Israel na ilang buwang pinagplanuhan kasama ang US ang naturang operasyon. Inanunsyo rin ng Tel Aviv na napatay ang commander ng Iran’s Revolutionary Guard at ang defense minister nito.

Bilang tugon, nagpakawala ang Iran ng mga missile at drone patungong Israel at sa mga base militar ng US sa mga bansang Bahrain, Kuwait at Qatar. Ayon sa ulat ng Iranian state media, hindi bababa sa 201 katao ang nasawi at mahigit 700 ang sugatan sa magkabilang panig.

Sa Israel, iniulat ng emergency service na Magen David Adom ang 89 na bahagyang nasugatan. Samantala, sinabi ng US military na wala silang naitalang nasawi at minimal ang pinsala sa kanilang mga base sa kabila ng “daan-daang” pag-atake mula Iran.

Nakaapekto rin ang tensiyon sa iba pang bansa sa rehiyon. Iniulat ng Bahrain na tinarget ang headquarters ng US Navy’s 5th Fleet sa Manama. Sa Kuwait, may mga nasugatan matapos tamaan ng shrapnel ang Ali Al-Salem air base. Nakarinig din ng pagsabog sa Qatar at Jordan, habang pinigil umano ng Saudi Arabia ang pag-atake sa kabisera nito.

Nagpahayag naman ng babala ang mga Houthi rebel sa Yemen na muling aatake sa mga rutang pandagat sa Red Sea at sa Israel.

Nagpatawag ng emergency meeting ang United Nations Security Council habang nanawagan ng pag-iingat ang mga lider ng iba’t ibang bansa.

Samantala, nagdulot ng malawakang kanselasyon ng mga biyahe ang labanan matapos isara ng Israel, Iran, Qatar, Syria, Iraq, Kuwait at Bahrain ang kanilang airspace. Libo-libong pasahero ang na-stranded sa iba’t ibang paliparan, kabilang na rito sa Pilipinas.

Nagbabala rin ang mga analyst na maaaring maapektuhan ang pandaigdigang merkado ng langis, lalo na kung magiging delikado ang pagdaan sa Strait of Hormuz, kung saan dumaraan ang malaking bahagi ng oil exports sa mundo.

Sa kabila ng umiinit na sitwasyon, nanindigan si Trump na magpapatuloy ang “targeted bombing” kung kinakailangan. Hinikayat din niya ang mga Iranian na samantalahin ang pagkakataon upang baguhin ang kanilang pamahalaan; isang pahayag na tiyak na lalo pang magpapataas ng tensiyon sa rehiyon.