Inihain ng Punong Ministro ng Senegal na si Ousmane Sonko ang isang panukalang batas na magdodoble sa pinakamataas na parusa laban sa same-sex relations, mula sa kasalukuyang isa hanggang limang taong pagkakakulong tungo sa lima hanggang sampung taon.
Batay sa mga ulat, inaprubahan ng gabinete ang panukala noong nakaraang linggo bago ito isumite sa parlamento noong Martes, Pebrero 24. Ayon kay Sonko, layunin ng panukala na higpitan ang umiiral na batas na nagbabawal na sa naturang mga gawain sa konserbatibong bansang mayoryang Muslim.
Sa kaniyang talumpati sa mga mambabatas, sinabi ni Sonko na ang sinumang “gagawa ng akto laban sa kalikasan” ay papatawan ng pagkakakulong mula lima hanggang sampung taon. Kung ang akto ay kinasasangkutan ng menor de edad, awtomatikong ipapataw ang pinakamataas na parusa. Dagdag pa niya, mananatili umano sa antas ng misdemeanour o mas mababang uri ng krimen ang naturang paglabag.
Nakasaad din sa panukala ang parusang tatlo hanggang pitong taong pagkakakulong sa sinumang mapatunayang nagpo-promote o nagtataguyod ng same-sex relations. Maaari ding patawan ng multa na aabot sa 10 milyong CFA francs ang mga mapapatunayang lumabag. May hiwalay ding kaparusahan para sa mga mag-aakusa ng homosexuality nang walang sapat na ebidensya.
Dumating ang panukala kasunod ng sunod-sunod na pag-aresto ngayong buwan sa mga lalaking inakusahan ng paglabag sa anti-LGBT law. Kabilang umano sa mga naaresto ang dalawang kilalang personalidad at isang prominenteng mamamahayag. Tinatayang nasa 30 katao ang nadakip ayon sa mga lokal na ulat.
Binatikos ng Human Rights Watch at iba pang tagapagtanggol ng karapatang pantao ang hakbang, na anila’y lumalabag sa mga karapatang kinikilala sa pandaigdigang batas, kabilang ang karapatan sa pagkakapantay-pantay at laban sa diskriminasyon.
Matagal nang pinagmumulan ng tensyon sa Senegal ang usapin ng LGBT rights, kung saan, may ilang grupo ang tumutuligsa sa pro-LGBT activism at itinuturing itong pakikialam ng mga dayuhan.
Sa nakalipas na mga taon, nagsagawa rin ng mga demonstrasyon ang ilang relihiyosong organisasyon upang igiit ang mas mabigat na kaparusahan laban sa homosexuality.
Wala pang itinakdang petsa kung kailan boboto ang parlamento sa naturang panukala. Kontrolado ng partidong Pastef ni Sonko ang kapulungan, kaya inaasahang magiging mainit ang debate sa mga susunod na linggo.