Nangako ang House Committee on Justice na magiging patas at transparent sa pagtalakay ng mga reklamong impeachment na inihain laban kay Sara Duterte, ayon kay Bicol Saro Rep. Terry Ridon nitong Sabado, Pebrero 28, 2026.
“Ang commitment po ng committee on justice ay ipapatupad po yung mga relevant rules sa impeachment na ipinatupad po natin in previous impeachment proceedings katulad ng impeachment proceeding ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.,” pahayag ni Ridon sa isang media forum sa Quezon City.
“Commitment din po ng komite na magiging fair yung pong pagpapatupad ng amin pong mandate sa bagay po na ito,” dagdag pa niya.
Nakatakdang simulan ng House justice panel sa Marso 2 ang pagdinig upang tukuyin ang sufficiency in form and substance ng mga reklamong impeachment—ang unang mahalagang hakbang sa prosesong itinakda ng Konstitusyon.
Hinimok din ni Ridon ang publiko na tutukan ang mga pagdinig ng komite.
“Inaanyayahan po natin ang ating mga kababayan na tunghayan yung pong determination in sufficiency in form and substance proceedings ng House committee on justice,” aniya.
Nang tanungin kung may mga bagong alegasyon sa mga reklamo, binanggit ni Ridon ang affidavit ni Ramil Madriaga, na nagpakilalang dating “bagman” umano ng Bise Presidente.
“We will look at all these allegations, particularly the allegations of Ramil Madriaga, with a very critical eye. Kasi very important po na ma-vet thoroughly lahat po ng babanggitin niya, lahat ng nakasaad sa kanyang affidavit,” ani Ridon.
Ayon sa mga alegasyon ni Madriaga, pinondohan umano ng mga drug lord at ilegal na Philippine offshore gaming operators ang kampanya ni Duterte sa pagka-bise presidente noong 2022.
Kabilang din umano sa mga isyung tatalakayin ang sinasabing iregularidad sa paggamit ng confidential funds, mga banta laban kay Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at kay Leyte Rep. at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, gayundin ang umano’y hindi tamang pagdedeklara ng mga ari-arian ng Bise Presidente.
Ang magiging unang botohan ng komite hinggil sa sufficiency ng mga reklamo ang magpapasya kung uusad ang mga ito sa plenaryo para sa mas malawak na pagtalakay—isang hakbang na maaaring magpainit pa sa umiiral na tensyong pampulitika sa bansa.
MAKI-BALITA: Rep. Terry Ridon sa Presidential bid ni VP Sara: 'Irrelevant sa impeachment!'