Tila ikinagulat umano ng dating mambabatas at human rights lawyer na si Atty. Neri Colmenares ang emosyonal na apela ng defense lead counsel na si Atty. Nicholas Kaufman para sa kaniyang kliyenteng si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang ibinahagi ni Kaufman sa huling araw ng pagdinig ng International Criminal Court (ICC) noong Biyernes, Pebrero 27, 2026, ang naging pahayag umano ni FPRRD sa pagtanggap nitong baka doon na siya bawian ng buhay.
“He then [FPRRD] concluded and pronounced these as follows, ‘I was a faithful servant to the people and that is how I wish to be remembered. I have not accepted my faith and I realized that I could die in prison…’”pagkukuwento ni Kaufman mula sa nasaad umano ng dating Pangulo.
Ayon naman sa naging pahayag ni Colmenares sa The Hague, Netherlands noon ding Biyernes, Pebrero 27, 2026, sinabi niyang nagulat daw siya na tila “political messaging” na parang kawawa umano si FPRRD ang naging panapos na pahayag ni Kaufman.
“Nagulat ako na ang ending pala niya is parang, ‘yong defense at least, ‘yong political messaging na naman na parang kawawa na naman [si FPRRD],” pagsisimula niya.
Paliwanag niya, “Na nagulat kami kasi irrelevant nga siya sa kaso at pinapa-strike out na ng Prosecution.”
Ani Colmenares, tila raw kinondena iyon ng ICC Prosecution dahil ang dating Pangulo raw mismo ang pumiling hindi dumalo sa kanilang pagdinig at dapat daw sana na ito ang personal na magsabi nito sa hukuman.
“Kasi ang parang punto ng Prosecution, ‘Ba’t ka nagte-testify in behalf of your client, e pinapapunta nga siya rito, ayaw niyang pumunta… kung pumunta siya ay ‘di siya magsabi kung ano ang tingin niya,’” aniya.
Dagdag pa niya, “Ang nangyari hindi siya pumunta tapos through Atty. Kaufman, ang sabi ng Prosecution, ‘Reklamo ka nang reklamo ng hearsay, ‘yan ang hearsay. Hindi namin alam kung sinabi niya ‘yan o hindi.’”
Giit naman ni Colmenares, sadya raw na magaling si Kaufman dahil tila napaganda nito ang testamento ng dating Pangulo.
“Pero kasi magaling si Kaufman magsalita, so napaganda niya talaga ‘yong sinabi ni President Duterte,” saad niya.
Ngunit nasabi rin ni Colmenares na tila “grasping at straws” o pagkapit sa patalim ang naging hakbang ni Kaufman dahil sa pagnanasa umano nitong magkakaroon ng epekto ang kaniyang panapos na pahayag sa pagdinig ng ICC.
“Pero sa akin, legally, ibig sabihin grasping at straws na talaga ‘yon—’yong ideliver mo talaga ‘yong kuwento na kawawa si President Duterte hoping na magkaroon ng impact ‘yon sa proceedings,” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, hindi pa naman naglalabas ng direktang paliwanag, pahayag, o reaksyon si Kaufman kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Kaufman, nagsumamong ‘wag kumpirmahin mga kaso ni FPRRD
KAUGNAY NA BALITA: ICC prosecutor, kinuwestiyon pagiging inosente ni Duterte
Mc Vincent Mirabuna/Balita