Nasagip ang isang “protected species” mula sa tangkang pagkatay ng isang mangangaso sa Mogpog, Marinduque noong Biyernes, Pebrero 27.
Base sa post ng provincial veterinarian na si Doc JM Victoria, ang nasagip na “protected species” ay isang juvenile “Asian Palm Civet” o kilala rin bilang “alamid” o “musang.”
Saad naman sa imbestigasyong ibinahagi ng Marinduque Provincial Veterinary Office sa media nito ring Pebrero 28, isang concerned netizen ang nakasipat sa alamid gamit ang isang trap na gawa sa nylon string.
Nakiusap ang nasabing concerned citizen sa mangangaso o “trapper” na isuko ang alamid sa mga awtoridad dahil ang paghuli, pagkain, o pagbenta nito ay labag sa batas.
Kaya sa eksklusibong panayam ng Balita kay Doc JM, naibahagi niyang nailipat na ang alamid sa pangangalaga ng Provincial Veterinary Office of Marinduque-Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team.
Nang mailigtas daw ito, nakitaan ang alamid ng sugat sa left front limb na ginagamot at pinagagaling na sa provincial veterinary office, habang patuloy itong responsive sa medikasyon at maayos na pagkain ng saging at chicken breast.
“May sugat sa left front limb [ang alamid], on going ang medication, so far ok ang response sa meds at eating well with banana and chicken breast,” pagtitiyak ni Doc JM.
Aniya, sa paggaling ng sugat ng alamid, i-uugnay na nila ito sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) bago muling pakawalan sa natural habitat nito.
“Nasa care ng Provincial Veterinary Office of Marinduque-Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team. Pag magaling na yung sugat iko-coordinate namin sa DENR ang pag release sa natural habitat,” saad ni Doc JM.
Bilang provincial veterinary, balak rin daw mag-request nila Doc JM ng Information, Education, and Communication (IEC) sa DENR upang malaman ng publiko ang kahalagahan ng wildlife protection.
Sa kaugnay na ulat, ang alamid ay isang protected species sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 9147 o ang "Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001.”
Ang alamid ay kadalasang natatagpuan sa mga rehiyong tropikal tulad ng Southeast Asia, at sa ilang pang bansa tulad ng Bhutan, Afghanistan, at Bangladesh, dahil sa pagiging “adaptable” nito sa iba’t ibang temperatura at klima.
Ang alamid ay isa ring “opportunistic omnivores” o species na kumakain ng mga prutas at gulay, at bilang “seed disperser,” ang mga ito ay nakatutulong sa pagpapalago ng kagubatan at mga buhay dito.
Sean Antonio/BALITA