Sinang-ayunan ng Malacañang ang binitawang pahayag ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa pag-iisip umano nito na tumakbo na lamang bilang mayor noon, at hindi bilang bise presidente.
Sa isang conference sa Davao City kamakailan, emosyonal na ibinahagi ni VP Sara ang kaniyang agam-agam hinggil sa kaniyang mga naging desisyon.
“Naisip ko kanina kung ano kaya ang mangyayari kung tumakbo na lang akong mayor at hindi ko na tinuloy ang pagtakbo ko bilang vice president,” saad ni VP Sara sa kaniyang talumpati.
MAKI-BALITA: VP Sara naiyak, inisip kung tumakbo na lang mayor kaysa VP noon
Saad naman ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro nitong Biyernes, Pebrero 27, mas maganda na nga raw siguro kung nanatili na lamang itong mayor sa nasabing lungsod.
“Patungkol sa pagtakbo niya, na kung saan ay nanatili na lamang siyang mayor sa Davao City, muli, sumasang-ayon tayo sa kaniyang tinuran,” saad ni Usec. Castro sa press briefing ng PCO.
Giit niya, “Mas maganda nga po sana kung nanatili na lamang siyang mayor sa Davao City, at nahalal natin ang isang bise presidente na tutulong sana sa ating Pangulo. Hindi isang bise presidente na magtatrabaho, mag-aaksyon at hindi bakasyon, at hindi puro paninira ang gagawin sa ating Pangulo.”
Anang press officer, mas maunlad siguro ang Pilipinas kung ito ay may bise presidenteng tumutulong sa kaniya upang maisaayos ang bansa.
“Mas umunlad sana or mas uunlad pa—maliban sa ginagawa ng Pangulo ngayon, at kapag siya’y may katuwang para sa pag-unlad ng bansa—mas naging mainam sana,” anang press officer.
“Pero sabi nga natin, nasa huli ang pagsisisi,” pagtatapos niya.
Matatandaang tumakbo bilang mag-running mate sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at VP Sara noong 2022 presidential elections—na siyang ipinanalo nilang dalawa.
Vincent Gutierrez/BALITA