Kinumpirma ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Juan Miguel Cuna bilang bagong acting secretary ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa isinagawang press briefing ng PCO nitong Biyernes, Pebrero 27.
Hahalili si Cuna kay Sec. Raphael Lotilla—na siyang itinalaga naman ni PBBM bilang ambassador ng Pilipinas to The Holy See.
“Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang acting secretary ng Department of Environment and Natural Resources si Undersecretary Juan Miguel Cuna; Si Secretary Raphael Lotilla naman ay itinatalaga ng Pangulo bilang ambassador ng Pilipinas to The Holy See,” saad ni Usec. Castro.
Sino ba si Juan Miguel Cuna, ang napiling bagong acting DENR secretary?
Bago ang nakatakdang proklamasyon ni Cuna bilang bagong acting secretary ng nasabing ahensya, si Cuna ay nauna munang nagsilbi bilang law professor sa Arellano Law Foundation at Director IV Legal Officer ng Presidential Legislative Liaison Office ng Office of the President noong 1998 hanggang 2001, sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Joseph Ejercito “Erap” Estrada.
Noon namang 2008 hanggang 2010, nanilbihan si Cuna sa DENR bilang isang provincial environment and natural resources officer.
Matapos nito, naitalaga naman siya bilang director ng DENR mula 2010 hanggang 2015.
Noong 2017, siya naman ay naging assistant secretary at undersecretary sa parehong taon.
Bilang bahagi ng mga karanasan niya, nagsilbi rin si Cuna bilang “undersecretary for Field Operations covering Luzon and Visayas.”
Kasabay nito, siya rin ang “undersecretary for Environment and supervising undersecretary for the Environmental Management Bureau (EMB) and Mines and Geosciences Bureau (MGB).”
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang pagproseso ng mga pangalan ng acting secretaries para sa pormal na kumpirmasyon.
Vincent Gutierrez/BALITA