February 27, 2026

Home BALITA National

Francis Leo Marcos, sinabihang 'bakulaw' si Mommy Dionisia; Manny, magsasampa ng kaso?

Francis Leo Marcos, sinabihang 'bakulaw' si Mommy Dionisia; Manny, magsasampa ng kaso?
Photo courtesy: MB FILE PHOTO, NAPOLCOM

Handa na umano ang kampo ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao upang magsampa ng mga kaso laban sa vlogger na si Norman Mangusin, o mas kilala bilang “Francis Leo Marcos,” dahil sa umano’y paninirang-puri at tila panlalait sa kaniyang ina na si Mommy Dionisia Pacquiao. 

Ayon sa inilabas na ulat ng ABS-CBN News nitong Biyernes, Pebrero 27, 2026, sinabi ni Pacquiao na nakahanda na ang abogado niya sa pagsasampa ng kaso laban kay Mangusin dahil sa umano’y pagpapakalat nito sa publiko na mayroon siyang utang dito. 

Depensa ni Pacquiao, hindi pa naman daw niya nakikita sa personal kailanman si Mangusin. 

“‘Yong abogado ko, naka-ready na siya. May mga violations siya, especially ‘yong nagke-claim siya na may utang ako sa kanya. Hindi ko pa rin siya nakikita, hindi ko pa siya na-meet in person,” anang Pambansang Kamao.

Ani Pacquiao, sinabihan din umano ni Mangusin si Mommy Dionisia na mukha diumano itong bakulaw at nasasaktan daw siya rito. 

National

Atty. Kaufman, dumepensa sa inilatag na Bulacan Big Time operation ng ICC Prosecution

“Parang sabi niya ‘yong mama ko na mukhang bakulaw. So hindi maganda ‘yan. Nasasaktan ako no’n,” aniya. 

Pagpapatuloy ni Pacquiao, tama lang daw na kulong ang maging hatol kay Mangusin dahil hindi raw magandang tao ang mga tulad nito at dapat daw na huwag tularan ng iba. 

“‘Yong pagsisira niya sa pangalan ko na mag-claim siya na may utang ako sa kanya, masama. Alam mo, hindi maganda ‘yung mga gano’ng tao. Dapat h’wag tularan. Tama ‘yong kulong na siya para manahimik na siya doon,” saad niya. 

Natanong din umano si Pacquiao kung tatanggapin niya ba niya kung maglabas ng public apology si Mangusin ngunit idiniin niyang may awtoridad daw handang magparusa sa mga katulad ng vlogger na mali ang ginagawa. 

“As a Christian, I don't want to put grievances against someone. But we understand that there is an authority, which is the government na-establish to punish all those wrongdoers,” ‘ika niya. 

“Ipaubaya natin sa gobyerno ‘yong mga lumalabag sa batas at nang-aabuso, may haharapin silang kaparusahan,” pagtatapos pa niya. 

Matatandaang nakunan pa sa mismong sariling social media live ni Mangusin ang aktong pagsisilbi sa kaniya ng warrant of arrest ng mga awtoridad sa gitna ng kaniyang pagkain sa loob ng isang hotel noong Martes, Pebrero 24, 2026. 

Agad namang kinumpirma ni National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Ralph Calinisan ang pag-aresto ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG NCR) kay Mangusin sa Sheraton Hotel nitong Martes.

KAUGNAY NA BALITA: Naka-live pa! Francis Leo Marcos, hinainan ng arrest warrant habang kumakain!

KAUGNAY NA BALITA: 'Kung ipahiya n'yo ako sa Pilipinas, para akong pumatay!'—Francis Leo Marcos

Mc Vincent Mirabuna/Balita