Ipinaliwanag ni Senate Ethics Committee chairperson Sen. JV Ejercito kung bakit umano natengga sa pagtalakay ang mga ethics complaint na nakabinbin sa kanilang komite.
Sa kaniyang pahayag nitong Huwebes, Pebrero 26, 2026, iginiit niyang mapipilitan silang gamitin ang conference room ng tanggapan ng Senate President dahil umano sa kakulangan ng room vacancy sa Senado.
Kaugnay nito sa Marso 4 na inaasahang tatalakayin ng Senado ang ethics complaint na inihain laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, kabilang ang iba pang mga reklamo.
KAUGNAY NA BALITA: Pag-absent ni Sen. Bato sa Senado, sinupalpal ng ethics complaint ng isang grupo!
Ayon kay Sen. JV Ejercito, chairman ng komite, gagawin ang pulong sa ganap na 10:00 ng umaga.
“Executive Session among members agenda is adoption of rules and we will proceed to initial vetting of cases,” ani Ejercito sa mga mamamahayag.
Una nang iginiit ng senador na pagbabatayan ng komite ang pagkakasunod-sunod ng pagkakahain ng mga reklamo.
“Of course, just like in any proseso, first in, first out. Hindi naman pwedeng gusto nila mauna ‘yung isa, pwedeng unahin. So first in, first out. Kung ano‘yung unang nai-file, then we will hear that first,” anang senador.
Ayon pa kay Ejercito, ang reklamong isinampa laban kay Dela Rosa ang ika-anim na kasong nakabinbin sa komite sa kasalukuyan.
Inaasahang magsisilbing unang hakbang ang executive session sa paglatag ng mga patakaran at pagsisimula ng paunang pagsusuri sa mga kasong nasa ilalim ng hurisdiksyon ng ethics panel.