February 26, 2026

Home BALITA National

Pagkamatay ng apo ng isang kasama, nag-udyok sa 18 ex-marines para lumitaw—Baligod

Pagkamatay ng apo ng isang kasama, nag-udyok sa 18 ex-marines para lumitaw—Baligod
Photo courtesy: True FM (YT), File Photo

Ibinahagi sa publiko ng tumatayong abogado ng lumitaw na 18 na dating miyembro ng Philippine Marine na si Atty. Levito “Levi” Baligod na ang nag-udyok o nagtulak sa mga kliyente para lumantad sa publiko at magsiwalat ay dahil sa pagpanaw ng apo ng isa sa kanila. 

Ayon sa naging panayam ng True FM kay Baligod nitong Huwebes, Pebrero 26, 2026, sinabi niyang simula niyang nakausap ang 18 ex-marines mula noong buwan ng Oktubre hanggang Nobyembre 2025, at napagdesisyunan daw ng mga itong isiwalat sa taumbayan ang kanilang nalalaman mula noong Enero 2026. 

“Mula Oktubre hanggang Nobyembre ay mga 30 po ang nakausap ko at noong Enero ay nagdesisyon sila na kailangan nilang ibahagi sa ating mga kababayan ang kanilang nalalaman,” pagsisimula niya. 

Ani Baligod, namatay na apo ng kanilang kasamahan dahil sa kakulangan umano ng gamot ng isang ospital ang naging dahilan daw ng 18 ex-marines na lumabas at magpakita sa publiko. 

“Ang nag-udyok po sa kanila ay ‘yong isang kasamahan nila, namatay ‘yong kaniyang apo sa isang ospital dahil walang gamot na maibibigay na ‘yong ospital sa kaniyang apo,” aniya. 

National

NSA Gen. Eduardo Año, mariing pinabulaanan akusasyon ng 18 ex-marines

Dagdag niya, “Kaya na-realize po nila na ganoon na lamang ang estado ng serbisyo ng ating ospital dahil ang dapat na pondo para sa kanila ay ninanakaw nga. Mula noon ay unti-unti na silang nagbigay ng kanilang mga nalalaman at pumayag sila na lumabas.” 

Anang abogado, nakumbinsi raw siyang totoo ang sinasabi ng 18 ex-marines matapos niyang makipag-usap sa karamihan ng mga ito. 

“Pagkatapos ko rin po i-validate ‘yong kanilang sinasabi sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa iba pa nilang kasamahan ay nakumbinsi naman po ako na totoo lamang ang kanilang sinasabi,” saad niya. 

“Kaya pagkatapos po nating i-review ang kanilang mga statements ay na-finalize po namin noong [February 23] ng umaga at pinanotaryuhan na rin po namin noong hapon,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: Dating mga kasamahan umano ni Orly Guteza sa pagdadala ng male-maletang pera, lumantad!

KAUGNAY NA BALITA: Security personnel ni Co, pinatotohanan testimonya ni Guteza; naghahatid umano ng male-maletang pera sa bahay ni PBBM

Mc Vincent Mirabuna/Balita