February 26, 2026

Home FEATURES Trending

KILALANIN: Sino si ‘Punch’ at bakit siya kinaantigan ng netizens?

KILALANIN: Sino si ‘Punch’ at bakit siya kinaantigan ng netizens?
Photo courtesy: Ichikawa Zoo (X)

Hindi n’yo rin ba inasahang iiyak kayo dahil sa isang unggoy? 

Naglipana sa social media kamakailan ang iba’t ibang videos at mga litrato ng isang seven-month old Japanese macaque, na sa likod ng kaniyang “irresistible cuteness” ay mayroong nakakalungkot na istoryang sinusubaybayan at sinusuportahan ng netizens mula sa iba’t ibang parte ng mundo. 

Makikita sa iba’t ibang videos ng Japanese macaque na si Punch na saan man siya pumunta, dala-dala niya ang isang orange, orangutan stuffed toy, dahil nahihirapan siyang makibagay sa grupo ng iba pang macaques sa Ichikawa City Zoo, Japan.

Bukod pa rito, makikita na agresibo kay Punch ang iba pang macaques, kaya ang naging tanging kakampi niya ay ang stuffed toy, na ayon sa Zoo ay nagsilbing emotional support ni Punch matapos itong inabandona ng kaniyang ina pagkapanganak. 

Bakit inabandona ng kaniyang ina si Punch? 

Trending

ALAMIN: Ang ibig sabihin ng ‘ngani’ at wastong gamit nito

Naniniwala ang ilang primatology experts na dahil Hulyo 2025 ipinanganak si Punch, na kasagsagan ng heatwave sa Japan, ang ina niya’y nasabak sa stress. 

Napag-aralan na ang mga inang macaques, kapag nasasabak sa stress ay may ugaling unahin ang sariling kalusugan upang paghandaan ang susunod na panganganak kaysa alagaan ang naipanganak na nitong sanggol. 

Orangutan stuffed toy

Bilang pakikisimpatya kay Punch, ipinakilala ng zookeepers ang isang Orangutan stuffed toy sa kaniyang upang maging emotional support. 

Dahil ayon sa mga eksperto, ang Baby Japanese macaques ay kadalasang agad kumakapit sa katawan ng ina pagkalabas upang mahasa ang kaniyang muscle strength. 

Sa pagkapit at pagdikit din sa ina ay nagkakaroon ng “sense of security” ang baby macaques, kaya sa kondisyon ni Punch, ang stuffed toy ang naging alternatibong “attachment figure” sa ina. 

Hinggil naman sa nakitang “aggressive behaviors” ng ilan pang macaques kay Punch, ayon sa mga eksperto, ito raw ay parte ng kanilang matrilineal hierarchies, kung saan ang mga pamilyang nasa matataas na ranggo ay nagpapakita ng dominance o pangingibabaw sa iba pang macaques. 

Kaya kahit kasama pa ni Punch ang kaniyang ina, posible pa rin siyang humarap sa mararahas na pagtrato. 

Ngunit dahil walang inang maggagabay, nakikita ng mga eksperto na maaaring hindi matutunan ni Punch ang karampatang reaksyon sa pangingibabaw na ito, na posibleng magdulot ng ilan pang komplikasyon sa relasyon nito sa iba pang macaques. 

Si Punch bilang “social media superstar” 

Kaya gayun na lamang ang naging pagbuhos ng suporta ng netizens kay Punch, kung saan, libo-libong tribute videos ang naglipana online, gamit ang ilang hashtags tulad ng “HangInTherePunch.”

Isa pa sa nagpakita ng suporta sa baby macaque ay si Ichikawa City Mayor Ko Tanaka, na sa pakikipagtulungan sa IKEA Japan, ay nakatanggap ng donasyong stuffed toys para kay Punch. 

“A little monkey (Punch-kun) who’s been working hard and growing all by himself has become so beloved that many people now cheer him on with “Ganbare Punch-kun!” when they see him together with his stuffed toy, treating it like his mother. Today, the president of the company that makes those stuffed toys came to Ichikawa Zoo and Botanical Garden with a huge number of them,” ani Tanaka sa kaniyang X post noong Pebrero 17.

Noon lang Lunes, Pebrero 23, base sa update ng isang zookeeper, nakitang nakikipaglaro na ang ilan pang baby macaques kay Punch. 

Bukod pa rito, nakita rin na mas nag-iikot na rin si Punch sa kaniyang enclosure, kasama pa rin ang kaniyang stuffed toy, habang ginagaya ang gawi ng mga mas nakatatanda pang macaques, na isa sa social bonding ng kanilang lahi. 

Sean Antonio/BALITA