February 26, 2026

Home BALITA

Kaufman, binanatan local media na nagko-cover sa kaso ni FPRRD

Kaufman, binanatan local media na nagko-cover sa kaso ni FPRRD

Tila may pahaging si Atty. Nicholas Kaufman hinggil sa mga news outlet na nakasubaybay sa kaso ng kaniyang kliyenteng si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pagpapatuloy ng confirmation of charges hearing laban sa dating Pangulo nitong Huwebes, Pebrero 26, 2026, binanatan ni Kaufman ang local media outlets at iginiit na maraming importanteng bagay daw ang naisasantabi sa mga pahayag ng isang tao habang patuloy na binibigyang-diin lamang ang maaanghang na salita nito—katulad umano ng nangyari noon kay Duterte.

“If there's one thing that I've learned from the domestic media coverage of this case, it is that journalists and their editors have a tendency to fixate on the salacious elements of a person's speeches while ignoring the less interesting parts, and so it was with Rodrigo Duterte,” ani Kaufman.

Matatandaang kabilang sa mga ibinalang ebidensya ng International Criminal Court (ICC) ay ang ilan sa mga naging matatalas na pahayag ni dating Pangulong Duterte noong siya ay kasalukuyang Presidente ng Pilipinas at ipinatutupad ang madugo niyang kampanya kontra droga. 

Kamakailan lamang nang masilip ang naging tahasang pag-amin ng dating Pangulo sa pagkakaroon niya ng death squad noon sa Davao.

Mga kontrobersyal na pahayag noon ni FPRRD 'di sapat para ikonekta sa EJK— Kaufman

MAKI-BALITA: 'Their mission was to kill criminals!' ICC prosecutor, muling binalikan Davao Death Squad

Noong Oktubre 2024 nang aminin ni Duterte ang pagkakaroon niya raw ng death squad na nilinaw na hindi raw ito binubuo ng mga pulis.

"I can make the confession now if you want. I had a death squad of seven, but they were not police, they were gangsters," ani Duterte.

Dagdag pa niya, "If given another chance, I'll wipe all of you."

Ilang buwan matapos ang kaniyang pag-amin, Marso 2025 nang tuluyangmagbaba ng arrest warrant ang ICC laban kay Duterte bunsod ng kasong crimes against humanity. Kasalukuyan siyang nananatili sa pasilidad ng naturang international court.