Nilinaw ni Atty. Levi Baligod na naisama lang daw ang pangalan ni Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima sa listahan ng mga kongresistang nakatanggap ng mga maletang may lamang milyon-milyong pera.
Sa panayam ng radio program na Ted Failon DJ Chacha kay Baligod nitong Huwebes, Pebrero 26, 2026, nilinaw niyang siya na lang daw ang nagdesisyong isama ang pangalan ni De Lima sa naturang listahan ng mga pangalan ng mga mambabatas.
“Ang binabanggit kasi nila noon ay nakakasama siya sa mga meeting patungkol sa ICC. Kaya nilagay ko na lamang siya sa mga miyembro ng Congress. Pupwede pong error yun on my part,” anang abogado.
Kaugnay nito, bagama’t hindi maleta ang natanggap ni De Lima, nilinaw niyang isang paper bag na umano'y naglalaman ng pera naman daw ang nakita nilang bitbit niya sa paglabas sa naturang townhouse.
“Pero yun po ang sinasabi nila na si Congresswoman Leila de Lima ay pumupunta sa townhouse na 'yon at paglabas n'ya ay mayroon siyang bitbit na paper bag na pera ang laman no’n, kasi familiar sa amin yung paper bag dahil kami ang bumibili ng mga paper bags na 'yan at kami rin ang nagdadala,” ani Atty. Baligod.
Aminado rin siyang tila na-oversight daw niya ang pagsama ng pangalan ni De Lima sa naturang listahan.
“Pero I want to make it clear at this point na it could be an oversight for me na nasama siya doon sa listahan ng mga Congress members that created the impression na nabigyan din siya ng male-maleta,” aniya.
Sa kabila nito, nanindigan naman si Baligod na ang halaga umano ng natanggap ni De Lima na pera mula sa paper bag ay tinatayang nasa lima hanggang sampung milyong piso.
“Pagkatapos ng meeting sa town house ay nabigyan siya ng isang paper bag. At usually 'yang paper bag na 'yan, either five to ten million po ang laman niyan,” saad niya.
Matatandaang lumutang ang isyu ng male-maletang pera matapos magdaos ng press conference ang 18 umanong dating security personnel ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na pinangungunahan ni Atty. Levi Baligod.
KAUGNAY NA BALITA: Dating mga kasamahan umano ni Orly Guteza sa pagdadala ng male-maletang pera, lumantad!
Ayon sa kanila, ilang beses umano silang nagdeliver ng mga maleta na puno ng pera sa mga matataas na opisyal ng gobyerno, kabilang sina Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez, pati na rin sa mga kampo na konektado sa pagtulong sa pagpopondo sa pagdating ng mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC).