Tahasang ipinahayag ng Malacañang na hindi nila panghihimasukan ang desisyon ng National Unity Party (NUP) hinggil sa mga nakabinbing impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Matatandaang sinabi ng NUP na hindi sila bobotong pabor sa impeachment laban kay VP Sara—liban kung may “compelling new evidence” na lumutang sa pagdinig nito.
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Pebrero 26, iginiit ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na desisyon naman daw iyon ng kanilang partido.
“Desisyon po nila ‘yan. May kalayaan po silang mag-decide. Hindi naman po sila sinasaklawan ng ating Pangulo at ng administrasyon na ito,” saad ni Castro.
Aniya, “Kung ano po ‘yong desisyon nila, malamang ‘yon po ‘yong nakikita nilang magiging magandang aksyon para sa kanilang political party.”
Natanong din ang press officer kaugnay naman sa bilang ng mga kaalyado ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa Kongreso.
“Huwag nating isingit o ilagay sa isyu ang numero ng Pangulo sa House of Representatives,” anang press officer.
“Ang Pangulo po ay bumabase sa proseso at sa ebidensya. Kung ano po ‘yong nakikita nilang ebidensya, ‘yon lamang po ang kanilang isulong,” pagtatapos niya.
Vincent Gutierrez/BALITA