Humirit ng public apology ang Davao City-based journalist na si Ben Jason Tesiorna sa isang prosecutor ng International Criminal Court (ICC) prosecution team matapos umanong magamit ang kaniyang video bilang ebidensya sa kasong crimes against humanity ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa ginanap na unang confirmation of charges hearing noong Lunes, Pebrero 23.
Nitong Huwebes, Pebrero 26, naghain ng affidavit of denial ang mamamahayag at ipinadala sa ICC matapos pabulaanan ang interpretasyon ng ICC prosecution team hinggil sa isang CCTV footage na iniharap bilang ebidensya laban sa dating pangulo.
Sa kaniyang sinumpaang salaysay na pirmado noong Pebrero 26, 2026 sa Davao City, iginiit ni Tesiorna na siya ang kumuha at nag-record ng naturang video noong Disyembre 19, 2013, sa media showcase ng bagong-install na CCTV system ng Central 911 sa Davao City. Aniya, isa siyang journalist-writer ng SunStar Davao noong panahong iyon.
Nanonood daw siya sa unang araw ng hearing nang mapanood niyang ginamit ang kaniyang video, nang mag-present si ICC Prosecutor Julian Nicholls at magbigay ng opening statement.
"Last February 23, 2026, I was monitoring the ICC Confirmation of Charges against former President Rodrigo R. Duterte (FPRRD). During the opening statement of an ICC Prosecutor, Julian Nicholls, I saw that he presented a certain video before the court (ICC) and broadcasted worldwide, with English sub-title," saad dito.
Ayon kay Tesiorna, siya ang may hawak ng copyright ng nasabing video at hindi siya nagbigay ng pahintulot kaninuman, kabilang ang ICC prosecutor, na ipakita o i-broadcast ito para sa anumang layunin.
Dagdag niya, ang anumang pagpapalabas ng video nang wala ang kanyang pahintulot ay labag sa batas at nangangailangan ng kanyang malinaw na awtorisasyon.
Tinukoy rin niya na ang video na ipinakita sa ICC ay may English subtitles na umano’y naglalarawan at nag-aakusa sa ilang indibidwal, kabilang ang dating pangulo.
Gayunman, iginiit ni Tesiorna na wala umanong subtitles ang orihinal na kopya ng kaniyang video at tinawag itong “hindi awtorisado at ilegal na pagmanipula” sa materyal.
Mariin din niyang itinanggi ang anumang kaugnayan sa umano’y “tampered” o “spliced” na bersyon ng video. Aniya, hindi siya kinontak ng sinumang imbestigador o ng prosecutor bago ito ipalabas sa ICC.
Dahil dito, sinabi niyang naapektuhan ang kaniyang reputasyon at nalagay sa panganib ang kaniyang pamilya dahil maaaring isipin ng publiko na nakipagtulungan siya sa prosekusyon ng ICC.
Sa kaniyang salaysay, ipinaliwanag ni Tesiorna na ang ipinakitang CCTV footage ay hindi “real-time” na pagpatay kundi playback lamang ng isang naunang insidente upang ipakita ang kakayahan ng CCTV system. Aniya, malinaw na walang naganap na pagpatay habang ipinapakita ang footage noong 2013, at walang sinuman sa mga naroroon, kabilang ang dating pangulo, ang tumawag sa pulisya dahil hindi ito aktwal na pangyayaring nagaganap sa oras na iyon.
Dagdag pa niya, may hiwalay umanong ulat sa media tungkol sa insidente sa Agdao noong Disyembre 4, 2013 na naimbestigahan na ng pulisya bago pa man ipakita ang CCTV footage sa media.
Taliwas umano ito sa pahayag ng prosecutor na walang ginawang aksyon ang dating pangulo sa naturang insidente.
Iginiit din ng mamamahayag na walang kinalaman sa kaso ni FPRRD ang nabanggit na video; bagkus, nalagay raw sa "bad light" ang imahe ng dating pangulo matapos na ikonekta sa EJK.
"Besides, the ICC Prosecutor made misrepresentation when He showed the video to malign and/or present FPRR Duterte in a bad light when he made it appear to be connected with extra-judicial killing (EJK) or crimes against humanity; or that FPRRD did not do anything about the killing shown in the video."
"I vehemently assert that my video recording was not about EJK, nor about crimes against humanity nor about the killing shown in the video," saad niya.
Dahil dito, hiniling ni Tesiorna sa ICC Pre-Trial Chamber I na atasan ang prosecutor na maglabas ng paghingi ng paumanhin dahil sa umano’y maling representasyon at alisin ang video sa court registry o records. Humihiling din siya ng isang public apology bago o pagsapit ng pagtatapos ng Confirmation of Charges.
Binalaan din niya na kung hindi umano tutugon ang prosecutor, maaari siyang magsampa ng kaukulang reklamo laban sa mga sangkot, kabilang ang mga kasong cyber libel, danyos, at paglabag sa copyright.
"Therefore, I respectfully request the ICC Pre Trial I to order the ICC Prosecutor to issue an apology for his misrepresentation, and to remove the same video from the court registry or records."
"I also humbly demand a Public Apology from the ICC Prosecutor himself for his misrepresentation and/or recklessness, by Friday, February 27, 2026, or before end of Confirmation of Charges."
"Failure and/or refusal to issue a Public Apology will cause me to seek redress against said ICC Prosecutor and others involved, including but not limited to cyberlibel, damages, copyright infringement, etc.," aniya pa.
Isinagawa ni Tesiorna ang kaniyang affidavit upang patotohanan ang kaniyang mga pahayag at magsilbing batayan sa anumang legal na hakbang na maaari niyang isulong.
Ayon kay Tesiorna, ipinadala na ang nabanggit na affidavit sa ICC nitong Huwebes ng umaga, Pebrero 26.
Wala na siyang ibinigay na anumang mensahe laban sa ICC Prosecution team, maging sa defense team, o maging sa buong ICC matapos ang panayam.
Habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ng ICC Prosecution team sa affidavit of denial ni Tesiorna.
Kaugnay na Balita: 'Ako mismo kumuha ng video na yan!' Ex-Davao journalist, pumalag sa ebidensyang video ng ICC Prosecution vs FPRRD
Kaugnay na Balita: #BalitaExclusives: Davao journalist, naghain ng affidavit of denial sa ICC dahil sa ipinakitang video ng prosecution team