Isa sa ipinaglalaban ng 68-anyos na si Kakai Tolentino sa protesta sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ay ang karapatan nilang katutubo.
Para kay Tolentino, ang kilos-protesta sa EDSA ay hindi lang bilang paggunita sa anibersaryo kundi sumisimbolo rin sa kanilang pakikibaka para ipagtanggol umano ang kanilang lupa mula pa noong 1986.
"Ang EDSA ay hindi pagtitipon parang piyesta o kaya bilang anniversary lang. Ang EDSA ay diwa ng aming pakikibaka. Kaya lumulundo rito sa EDSA lagi 'yong pagdadala namin ng pakikibaka para mas malawak na mamamayan ang makarinig kung ano ba ang ginagawa ng IP [Indigenous people] sa pagtatanggol at pagdepensa sa lupang ninuno," saad ni Tolentino.
"Kasi ginagawa kaming mangmang ng gobyerno. Kaya bilang mga katutubo, simula't sapul hindi kami pipi, hindi kami mangmang para hindi namin alam 'yong nangyayari," giit pa niya.
"Kaya ngayon ang EDSA, ang lahat ng panawagan ay panagutin ang Marcos at Duterte, dahil pareho sa yugto ng pamumuno na 'yan puro human rights violations 'yong nalasap ng mga katutubong mamamayan," dagdag pa niya.
Naikuwento rin ng 68-anyos na matagal na silang lumalaban para sa depensahan ang kanilang sarili at ang kanilang lupang ninuno. Gayunpaman, wala pa rin aniya silang nakikitang pagbabago hanggang ngayon.
"Noong 1980s nagsimula ang ninuno namin na lumaban at kasama na ako doon na hindi nila binibitawan na dapat ipagtanggol ang aming sarili, ang aming sariling pagpapasya, at pagdepensa sa lupang ninuno at higit sa lahat alam namin na ang lupang ninuno namin ang last frontier ng ating national patrimony," ani Tolentino.
"40 years na ang EDSA pero walang pagbabago ang mamamayang Pilipino, lalo't higit sa mga katutubo dahil sa aktuwal naming kinakaharap na pang-aagaw sa aming lupang ninuno sa Nueva Ecija... Dala-dala rin namin ang panawagan na dapat baguhin ang sistema ng lipunan at 'yan 'yong mataas na antas na panawagan na panagutin ang mga Marcos at Duterte," ayon pa sa kaniya.
Samantala, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Tolentino. Tuloy-tuloy pa rin daw silang mananawagan sa gobyerno.
"Kung noon napatalsik natin ang diktadura... sunod-sunurin lang kasi bago naman dumating ang EDSA may yugto-yugto tayong pagkilos. Kaya ayon, may pag-asa tayo."