February 26, 2026

Home BALITA

Bagong driver's license rules para sa senior citizens, pinasinungalingan ng LTO!

Bagong driver's license rules para sa senior citizens, pinasinungalingan ng LTO!
Photo courtesy: LTO


Nagbabala ang Land Transportation Office (LTO) kaugnay sa kumakalat na impormasyon hinggil sa umano’y bagong driver’s license rules para sa senior citizens.

Ayon sa ibinahaging pahayag ng LTO noong Miyerkules, Pebrero 25, tahasan nilang sinabi na ito ay isang “fake news.”

“Nais ipabatid ng Land Transportation Office (LTO) sa publiko na WALANG KATOTOHANAN ang kumakalat na impormasyon o ‘video’ sa social media tungkol sa mga umano'y ‘Bagong Driver’s License Rules Para Sa Senior Citizens Simula March 1, 2026.’,” saad ng LTO.

Giit nila, “Ang mga pahayag sa nasabing video hinggil sa bagong medical requirements, mas mahigpit na renewal process, o anumang pagbabago sa validity period para sa mga senior driver simula sa petsang nabanggit ay HINDI OPISYAL at HINDI TAMA.”

Paglilinaw ng opisina, hindi pa sila nagbababa ng anumang impormasyon kaugnay sa patakaran ng renewal o issuance ng driver’s license para sa mga senior citizen.

National

Davao journo, nag-demand ng public apology sa ICC prosecutor; kakasuhan kapag hindi ginawa!



Anila, “Ang mga umiiral na patakaran at proseso ay nananatili.”

Paalala ng LTO, huwag maniwala sa mga ganitong uri ng impormasyon—lalo kung hindi beripikado kung saan ito nanggaling.

“Hinihikayat ng LTO ang lahat na maging mapanuri at iwasang maniwala sa mga impormasyong walang opisyal na pinagmulan,” anila.

“Para sa tumpak at pinakabagong anunsyo at impormasyon tungkol sa mga patakaran at serbisyo ng LTO, mangyaring subaybayan lamang ang aming mga opisyal na social media account at website,” pagtatapos nila.

Vincent Gutierrez/BALITA

Inirerekomendang balita