Para sa mga artist at art lovers, hindi nila alintana ang paggastos nang mahal para lamang mabili ang gusto at pinapangarap nilang likhang-sining: ito man ay painting, sculpture, o iba pang anyo nito.
Mahal ang artworks dahil hindi lang materyales ang binabayaran kundi ang konsepto, reputasyon ng artist, kasaysayan ng likha, at ang limitadong bilang nito.
Sa art market, mahalaga ang provenance (pinagmulan at record ng pagmamay-ari), rarity, at demand mula sa collectors at investors. Kapag kilala at may kredibilidad ang artist, lalo na kung may exhibition history o international recognition, tumataas ang perceived at market value ng kaniyang obra.
Bukod dito, ang sining ay itinuturing ding asset na maaaring tumaas ang halaga sa paglipas ng panahon, kaya nagiging bahagi ito ng investment portfolio ng ilan.
Pero, paano kung ang ibinebentang likhang-sining ay "invisible" o hindi nakikita ng mga mata? Paano ito ma-appreciate ng art lover kung ganoon?
Viral ang post sa Facebook page na "No One Cares" noong Pebrero 19 dahil sa isang Italian artist na nagbenta ng kaniyang "invisible sculpture" at binili pa sa Milan auction sa halagang $18,300, na kung iko-convert sa piso, ay nasa higit ₱1 milyon.
Mababasa sa post, published as is, "An Italian artist sold an 'invisible sculpture' titled Io Sono for about $18,300 at a Milan auction. The buyer received no physical artwork—just a certificate of authenticity and instructions to display it in an empty 5×5 foot space."
Saad pa, "The artist says the piece exists as pure energy and thought, referencing quantum physics and the idea that even a vacuum isn’t truly empty."
"Critics call it a symbol of modern art excess, while supporters argue it boldly challenges what art really is—and how we decide its value," dagdag pa.
Photo courtesy: Screenshot from No One Cares/FB
Habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa 11k reactions, 1k shares, at 1.6 comments ang nabanggit na post.
Namangha naman ang mga netizen at hindi nila naiwasang magbigay ng reaksiyon at komento tungkol dito.
"He deserves invisible cash"
"He sold nothing for $18k, I'm selling my couch for $10k, it's invisible too."
"Give the coin a sound in a sack and say it's already paid for his invisible sculpture."
"I would buy some using my invisible money. Lol."
"If I'm the buyer, I will use invisible money too."
"so this is how they make laundry money."
Pero totoo nga bang nangyari ito?
Ayon sa international online newspapers gaya ng "New York Post," "The Times of India," "Fox News," "Artnet News," "My Modern Met," at iba pa, ang nabanggit na Italian artist ay si Salvatore Garau, na nagbenta ng “invisible sculpture" at binayaran naman sa halagang $18,300.
Ang kaniyang obra, na pinamagatang Lo Sono (“I am”), ay literal na walang pisikal na anyo. Sa halip, ito ay isang espasyong walang laman na itinuturing ng artist bilang isang di-nahahawakang eskultura.
Unang tinatayang nagkakahalaga ng €6,000–9,000 ang likhang-sining, ngunit umabot ito sa €15,000 ($18,300) nang maibenta sa Italian auction house na Art-Rite sa Milan.
Sa halip na isang aktuwal na eskultura, isang certificate of authenticity at detalyadong instructions ang natanggap ng buyer. Ayon kay Garau, kinakailangang ilagay ang obra sa isang pribadong tahanan, sa isang bakanteng espasyong may sukat na humigit-kumulang limang talampakan kada gilid, at walang anumang sagabal sa paligid.
Bagama't binatikos, ipinagtanggol ni Garau ang konsepto ng kaniyang likha sa panayam sa Spanish news outlet na "Diario AS." Ayon sa kaniya, ang “kawalan” ay hindi tunay na walang laman.
“The vacuum is nothing more than a space full of energy,” paliwanag ng artist.
Ayon pa sa ulat, tinukoy pa niya ang Heisenberg uncertainty principle sa quantum physics, na nagsasabing kahit ang tila walang lamang espasyo ay may bigat at enerhiya.
Para kay Garau, ang enerhiyang ito ay maaaring mag-condense at maging mga particle, na kalaunan ay nagiging bahagi ng ating pag-iral.
Para sa kaniya, ang "Lo Sono" na obra maestra niya ay isang pagyakap sa konsepto ng “nothingness” o kawalan, na binibigyang-buhay ng imahinasyon at pag-iisip ng tumitingin.
Sabi pa sa mga ulat, hindi raw ito ang unang pagkakataong nagpakita si Garau ng invisible artworks.
Noong Pebrero 2021, ipinakita niya ang "Buddha in Contemplation" sa Piazza della Scala sa Milan. Ang eskultura ay minarkahan lamang ng isang parisukat na tape sa cobblestone path.
Makalipas ang isang linggo, inilunsad naman niya ang "Afrodite Cries" sa harap ng New York Stock Exchange. Isang puting bilog sa lupa ang nagsilbing tanging palatandaan ng instalasyon.
Noong 2023, nagpakilala siya ng dalawa pang invisible sculptures na pinamagatang "LOVE, IMMENSE LOVE" sa Jerusalem. Ang isa ay inilagay sa Temple Mount at ang isa naman ay malapit sa Western Wall. Pareho itong kinakatawan ng simpleng puting bilog sa lupa.
Agad namang umani ng magkakaibang reaksiyon ang mga likha ni Garau. May mga kritiko na tumutuligsa rito bilang simbolo umano ng labis na eksperimentasyon sa modern art. Para sa kanila, isa itong halimbawa ng kung paano maaaring mawalan ng malinaw na pamantayan ang pagpapahalaga sa sining.
Sa kabilang banda, may mga tagasuporta namang naniniwalang matapang na hinahamon ng invisible sculptures ang tradisyunal na depinisyon ng sining, at ang paraan kung paano natin tinutukoy ang halaga nito.
Saad pa sa mga ulat, nananatiling bukas ang tanong: kapag ang isang likhang-sining ay hindi nakikita o nahahawakan, ngunit may konsepto at dokumentasyon, maaari ba itong ituring na tunay na sining?
Kung si Salvatore Garau ang tatanungin, ang sagot ay malinaw: ang pinakamahalagang bahagi ng kaniyang mga obra ay hindi ang nakikita, kundi ang iniisip at nararamdaman ng tumitingin.