February 26, 2026

Home FEATURES Trending

ALAMIN: Ang ibig sabihin ng ‘ngani’ at wastong gamit nito

ALAMIN: Ang ibig sabihin ng ‘ngani’ at wastong gamit nito
Photo courtesy: KWF (website), Unsplash

Kapapasok pa lamang ng 2026, samu’t saring salita na ang naglipana sa social media at maririnig na ginagamit ng marami. 

Mapa-diyalekto man ito, dati nang uso at nagbabalik sa spotlight o kaya’y pop culture, alam ng lahat na kapag mainit ang pagtanggap ng netizens rito, ilang linggo o buwan maririnig sa kahit kanino o kahit saan ang salitang ito. 

Ang ilan dito ay ang “bebot” na isang balbal na salitang Tagalog na tumutukoy sa isang babaeng maganda at may malakas na kumpiyansa sa sarili. 

Mula naman sa pop culture, ang “brain rot” na unang nauso noong 2024 na tumutukoy sa mental fog o kapuruhan ng kakayahan mag-isip dahil sa panonood ng low-quality content sa social media. 

Bukod sa mga ito, isa pa sa pinaka naririnig ay ang salitang “ngani” na nagmula at ginagamit sa iba’t ibang rehiyon sa bansa tulad ng Bicol, Marinduque, Palawan, at Aklan. 

Trending

KILALANIN: Sino si ‘Punch’ at bakit siya kinaantigan ng netizens?

Kamakailan, matunog na ang paggamit ng salitang “ngani” sa social media mula man sa rehiyon na gumagamit nito o Gen Zs na simpleng nakikiuso lamang. 

Dahil dito, paano nga ba ang wastong gamit ng salitang “ngani?” 

Ayon sa diksyonaryo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), bilang pang-abay, ang salitang “ngani” ay ginagamit sa paraang may diin sa ibig sabihin katulad ng “nga.” 

Ngunit may higit itong antas at nauukol lamang sa pagsang-ayong may pasubali. 

Isang halimbawang paggamit na ibinigay rito ay ang: “Oo na ngani pero hindi siya ang sadya ko sa pagdalaw sa kanila.”

Bilang pangngalan naman, ang “ngani” ay pandidiri sa isang bagay na pinaghihinalaang may taglay na kasalaulaan. 

Bagama’t mas laganap na ang paggamit ng salitang ito bilang trend at ekspresyon, binabanggit ng ilang netizens at content creators, partikular ang mga nagmula sa Bicol at Eastern Visayas, gamitin nang maayos ang “ngani” at tandaan na hindi lamang ito “filler” o “punchline.” 

Dahil kahit na katumbas nito ang salitang “nga,” ginagamit rin ang “ngani” upang magdiin ng isang ekspresyon at ito ay maaari na ring gamitin bilang isang kumpletong pangungusap. 

Para naman sa ilang Bikolano netizens, ang “ngani” ay kadalasang ginagamit upang magpahayag ng negatibong emosyon tulad ng pagka-inis o pagkagalit. 

Mahalagang tandaan na anuman o saan man nagmula ang isang salita, kinakailangan na alamin ang tamang konteksto at kultura sa likod nito upang magamit nang wasto at maiwasan ang pag-usbong ng hindi pagkakaintindihan. 

Sean Antonio/BALITA