Nilinaw sa publiko ng Philippine National Police (PNP) na nakabantay rin daw sila sa ibang mga grupo na posibleng magplanong magsagawa ng kilos-protesta at pumunta sa Palasyo kasabay sa paggunita ng ika-40 taong anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Ayon sa isinagawang press conference ng PNP nitong Miyerkules, Pebrero 25, 2026, sinabi ni Police Brigadier General Ponce Rogelio Peñones, Jr., malinaw daw ang direktiba ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez, Jr., na pagpapatupad ng kanilang hanay ng seguridad at kaligtasan ng publiko.
Aniya, sisiguraduhin daw nilang maidaraon nanng maayos at tahimik ang mga ikakasang kilos-protesta ng iba’t ibang mga grupo para sa paggunita ng anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
“Napakaliwanag po ng direktiba ng ating chief PNP sa pagpapatupad ng security and public safety coverage for the whole day na siguraduhing mapanatili ang katahimikan, kaayusan [o] maidaos ito nang maayos,” pagsisimula niya.
Pagbabahagi niya, nagpakalat na raw ang PNP ng kanilang 14,900 na mga opisyal sa iba’t ibang mga lokasyon upang ipatupad ang direktiba ni Nartatez, partikular sa EDSA Shrine at EDSA People Power Monument sa Quezon City.
“Sa ngayon po, ang PNP ay nakapag-depoly na ng 14,900 personnel ito ay makikita natin sa iba’t ibang lokasyon. Pero ang center talaga ng activity ay ‘yong EDSA Shrine, ‘yong [EDSA] People Power monument,” ‘ika niya.
Diin naman ni Peñones, may mga opisyal din daw silang nakabantay sa ibang magsasagawa ng kolektibong pagkilos sa Ayala Bridge at Mendiola dahil iniiwasan daw nila ang posibilidad na maulit ang nangyaring pagpaplano ng ibang mga grupo na pumunta sa Malacañang.
“But then, naglagay din tayo ng ng karagdagang personnel doon sa ating sa part sa Ayala Bridge and of course doon sa Mendiola,” aniya.
“Dahil iniiwasan natin ‘yong mga nangyari noong mga nakaraan na kung saan may ibang mga grupo, na ‘yong objective talaga nila isa makarating sa Malacañang,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: #BALITAnaw: Bakit tinawag na ‘bloodless revolution’ ang EDSA People Power I?
KAUGNAY NA BALITA: UP, binigyang-pugay legasiya ng EDSA Revolution
Mc Vincent Mirabuna/Balita