February 25, 2026

Home BALITA National

Liberal Party sa paggunita ng EDSA 40: 'Hindi alaala lamang, isa itong tungkulin!'

Liberal Party sa paggunita ng EDSA 40: 'Hindi alaala lamang, isa itong tungkulin!'
Photo courtesy: File Photo

Idiin ng Liberal Party sa kanilang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution na hindi umano basta alaala lamang ang diwa ng nasabing makasaysayang nangyari sa bansa noon. 

Ayon sa inilabas na pahayag ng Liberal Party sa kanilang Facebook page nitong Miyerkules, Pebrero 25, 2026, sinabi nilang nananatili pa rin daw na hindi ganap ang hustisya sa nakalipas na apat na dekada matapos ang naging People Power noong Pebrero 25, 1986 sa EDSA. 

“Apatnapung taon matapos ang People Power, nananatiling hindi ganap ang hustisya. May mga institusyong kailangan pang paghilumin at patibayin. May mga puwang sa pananagutan na kailangan pang punan. At bawat taon, may bagong hamon sa kalayaan — mas sopistikado, mas maingay, mas tuso,” diin nila. 

Photo courtesy: Liberal Party (FB)

Photo courtesy: Liberal Party (FB)

Anila, dapat daw na magbagong-anyo rin ang paraan ng pagtugon ng taumbayan laban sa mga pang-aalipusta dahil nagbabagong-anyo rin umano ang mga kalaban ng demokrasya. 

National

'Kung gaano ka-traffic ang EDSA, ganoon din ang pangakong reporma nito!' -Cendaña

“Nagbabagong-anyo ang mga kalaban ng demokrasya. Kaya dapat ding magbagong-anyo ang ating paraan ng pagtugon,” saad nila. 

Pagpapatuloy nila, kaya raw gawin ng taumbayan ang imposible basta malinaw ang layunin at matatag ang pagkakaisa ng lahat. 

“Ito ang kuwenta ng kuwento ng EDSA sa ika-40 taon: Kaya nating gawin ang tila imposible kung malinaw ang ating layunin at matatag ang ating pagkakaisa,” ‘ika nila. 

Dagdag pa nila, “Nagawa natin ito noon laban sa isang diktadura. Magagawa natin itong muli sa bawat pagtatangkang sirain ang ating mga institusyon  at ilayo ang pamahalaan sa pananagutan.” 

Ayon pa sa Liberal Party, hindi lang daw basta alaala ang diwa ng EDSA dahil isa itong tungkulin—isang pantang ipagtanggol ang pangingibabaw ng hustisya, pagpapalakas ng demokratikong institusyon, at pagsusulong ng pamahalaang may pananagutan. 

“Hindi alaala lamang ang diwa ng EDSA. Isa itong tungkulin,” giit nila, “Para sa Liberal Party, ang paggunita sa EDSA ay higit pa sa taunang ritwal. Isa itong panatang ipagtanggol ang pangingibabaw ng batas, palakasin ang mga demokratikong institusyon, at igiit ang pamahalaang may pananagutan.” 

“Hindi sapat ang pag-alala. Kinakailangan ang pagkilos. Nagpapatuloy ang laban para sa demokrasya. At tulad noong 1986, nakasalalay ito sa tapang ng mga Pilipinong hindi pasisiil, kahit kailan, sa mga manlulupig,” pagtatapos pa nila. 

KAUGNAY NA BALITA: UP, binigyang-pugay legasiya ng EDSA Revolution

KAUGNAY NA BALITA: #BALITAnaw: Bakit tinawag na ‘bloodless revolution’ ang EDSA People Power I?

Mc Vincent Mirabuna/Balita