Nilinaw ng isang news outlet na hindi totoo at edited lamang ang mga kumakalat na larawan ng ilang miyembro ng pamilya ng mga biktima ng extra-judicial killings (EJK) sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na may hawak silang mamahalin at branded bags.
Ang orihinal na larawan ay kuha at naka-post sa verified Facebook page ng "One News" noong Pebrero 22, 2025, matapos dumalo sa press conference ang ilang mga kaanak ng EJK victims.
Mababasa sa post, published as is, "Families and supporters of extrajudicial killing victims during the Duterte administration held a press conference a day before his confirmation of charges hearing."
Dagdag pa, "Among those who participated in the conference are Rubilyn Litan of Rise Up for Life and for Rights, Lore Pasco and Sheerah Escudero, who lost relatives in the alleged drug war killings."
Samantala, kumalat naman ang isang altered photo kung saan inedit ang nabanggit na larawan, at nilagyan ng kunwari ay branded bags.
Paglilinaw naman ng News 5 nitong Miyerkules, Pebrero 25, "Kumakalat sa social media ang ALTERED POST kung saan nilapatan ng mamahaling bags ang larawan ng ilang kamag-anak ng drug war victims na nagtungo sa The Hague."
"Galing ang larawan sa ORIGINAL POST ng One News kung saan tampok ang presscon ng mga pamilya ng EJK victims bago ang confirmation of charges hearing ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC)."
"Kapansin-pansing may mga pagbabago sa facial features sa altered photo. Binago rin ang porma ng mga kamay ng mga nasa larawan."
Photo courtesy: Screenshots from News 5/FB
Samantala, hindi na bago kay Sheerah Escudero na mabiktima ng fake news.
Kamakailan lamang, kinuwestyon ng isang netizen ang dalawang magkaibigang larawan ni Sheerah na parehong may hawak na larawan ng isang lalaki, subalit mapapansing magkaiba ang identidad o magkaibang tao ito.
Ang EJK victim na kapatid ni Sheerah ay si Ephraim Escudero na napatay sa EJK noong Setyembre 21, 2017.
Mababasa sa post niya, "Sino ba ang totoong kapatid hi sheerah Escudero?sa 2025 iba ang hawak niya litrato at sinasabi niya kapatid niya. At ngayon 2026 iban naman ang kapatid niya. Baka sa 2027 maging kapatid niya si Trillanes."
Sa unang larawan, nakalagay sa caption na ito ay 2025 habang sa ikalawang larawan naman, ito ay kuha na nitong 2026 at nakalagay na si Ephraim ito.
Ang isyu at mga alegasyon tungkol sa magkaibang litratong ito ay una nang pinag-usapan noong 2025, kung saan, marami na ring netizens ang napataas ang kilay tungkol dito.
Nangyari ang paglitaw ng mga kaanak ng EJK victims matapos dalhin si FPRRD sa The Hague, Netherlands noong Marso 11, 2025 kung saan naroon ang himpilan ng ICC. Bitbit nila ang larawan ng mga kaanak nilang napatay sa war on drugs, at kabilang na rito si Sheerah.
Ayon sa artikulong nailathala sa AFP Fact Check noong Abril 9, 2025, na mababasa sa kanilang website, ang unang larawang kinukuwestyon ng nabanggit na netizen ay edited lamang.
Nagmula ito sa isang ulat na ipinalabas ng "Frontline Weekend ng TV5" at ginawan lamang ng edited version.
Makikita roon si Escudero na may hawak na ibang larawan.
Ayon sa opisyal na Facebook page ng News5, inedit ang kumalat na video mula sa isang ulat na ipinalabas sa weekend version ng Frontline Pilipinas noong Marso 15 tungkol sa mga mahal sa buhay ng mga biktima ng drug war.
Hinimok din nito ang publiko na maging mas mapanuri sa mga post sa social media.
Mababasa sa kanilang anunsyo noong Marso 18, 2025, "Kumakalat ngayon online ang video kung saan in-edit ang isang ulat na lumabas sa #FrontlineWeekend nitong March 15 ukol sa mga naulila ng mga biktima ng drug war."
"Maging mapanuri at maingat sa mga peke at gawa-gawang post, larawan, at video na nakikita sa social media," anila pa.
I-FACT CHECK DITO: 'Sino ba ang totoong kapatid?' Magkaibang litratong hawak ng utol ng EJK victim, kinuwestyon