February 25, 2026

Home BALITA

‘Kailangan tuparin natin ang pangako ng EDSA’—Akbayan president

‘Kailangan tuparin natin ang pangako ng EDSA’—Akbayan president
Photo Courtesy: Akbayan (FB)

Ibinahagi ni Akbayan President Rafaela David ang aniya’y diwa ng EDSA Peope Power Revolution sa mismong komemorasyon ng ika-40 anibersaryo nito.

Sa panayam ng media nitong Miyerkules, Pebrero 25, sinabi ni Rafaela na kinakailangan umanong tuparin ng sambayanang Pilipino ang pangako ng EDSA.

“Para sa akin, kailangang tuparin natin ang pangako ng EDSA at siguraduhing matuldukan na ang paghahari-harian ng iilang pamilya. Hindi na pwedeng Marcos o Duterte ang paikot-ikot sa Malacañang,” saad ni Rafaela.

Dagdag pa niya, “Ipasa na ang Anti-Dynasty Law. Ito ang ipinangako ng EDSA, na ang kapangyarihan ng mamamayan ang dapat na maghari at hindi iilang pamilya lamang.”

Si Rafaela ang isa sa mga organizer ng Trillion Peso March, na ngayo’y nasa ikatlong bahagi na at isinabay sa paggunita ng EDSA People Power Anniversary. 

Politics

‘Ito ay malinaw na paghihiganti!' Makabayan bloc, pinalagan 'maleta issue' laban sa kanila

Matatandaang kabilang sa panawagan ng Trillion Peso March Movement ay ang pagsasabatas ng isinusulong na anti-political dynasty bill. 

Gayundin ang pagsesemento sa Independent Commission on Infrastructure Corruption at pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa maanomalyang flood control projects.

Maki-Balita: Trillion Peso March Movement, tutol sa kudeta, military junta, atbp sa EDSA Anniv