February 25, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

#BalitaExclusives: 82-anyos raliyista, walang nakikitang pagbabago kahit matapos ang protesta, bakit?

#BalitaExclusives: 82-anyos raliyista, walang nakikitang pagbabago kahit matapos ang protesta, bakit?
Photo courtesy: Nicole Therise Marcelo, BALITA

Kung 40 taon nang ipinadiriwang ang EDSA People Power Revolution ay parehong taon na ring sumasama sa kilos-protesta tuwing Pebrero 25 ang isang 82-anyos na senior citizen mula sa probinsya ng Quezon.

Sa eksklusibong panayam ng Balita nitong Miyerkules, Pebrero 25, ikinuwento ni Peter Gonzales o kilala bilang “Tatay Pido” ang kaniyang mga naging karanasan mula noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. hanggang ngayon sa panahon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr..

Ayon kay Tatay Pido, nasaksihan niya ang unang EDSA People Power Revolution noong 1986, panahong napatalsik si Marcos Sr. sa puwesto. Mula noon, nakikiisa na rin siya kada taon sa paggunita ng People Power. 

Sa kasalukuyan, sa ika-40 na anibersaryo, nananatili pa ring nakatindig si Tatay Pido.

“Kasama ako no’n noong panahon ni Marcos Sr. Tapos ngayon, mula sa probinsya [Quezon] lumuwas ulit kami dahil nagbalik pa rin ang mga Marcos. Pero ang pagkakaiba lang niyan, ang kanilang dulo ng pangalan Sr. at saka Jr. pero iisang uri ang kanilang pinagmulan: Mga uri ng elitista, dinastiya, mandarambong, pagnanakaw—walang pinag-iba,” aniya. 

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Gaano kapanganib na limutin ang diwa ng EDSA People Power Revolution?

WALANG PAGBABAGO KAHIT MATAPOS ANG PROTESTA

Sa kabila ng 40 taong pagsama sa protesta, tila wala pa ring inaasahang pagbabago si Tatay Pido.

“Sa tingin ko wala. Hindi kayang baguhin ang sistema ng lipunan hangga’t nandiyan at nagpapalit-palit lang ang mga naghaharing uri,” ani Gonzales. “Kahit mag-eleksyon, ‘yong bandido papalitan mo lang ng tulisan e magnanakaw pa rin ‘yon.”

“Mababago lang ang sistema ng lipunan sa pamamagitan ng katulad nito: Pagkakaisa ng mamamayan, nandiyan ‘yong mga kabataan—‘yong magmamana ng lipunan na alam nila ang mamanahin nilang lipunan ay nakalubog sa utang. Lalo’t higit, nararamdaman na natin ngayon ang kahirapan,” kuwento pa ng 82-anyos na raliyista. 

Dagdag pa niya, “Tulad ng lagi kong sinasabi, hangga’t nandiyan ang kahirapan, hindi mamamatay ang paglaban ng mamamayan.”

“Itong ganitong pagkilos ay bahagi lamang ng paggunita natin sa mga karanasan natin, na natutunan natin na pagkaisahin ang mamamayan. Pinatunayan ng ating mga karanasan na ang isang sistema ng lipunan ay hindi mababago ng eleksyon. Mababago lang ‘yan kung ang mismong mamamayan ang magsasabi ng ‘ayaw na namin ng sistemang ito baguhin natin.’”

Gayunpaman, kahit sa tingin ni Tatay Pido ay walang pagbabago matapos ang protesta ngayong ika-40 anibersaryo ng People Power Revolution, patuloy pa rin siyang umaasa sa pagbabago. 

"Hangga't may pinagsasamantalahan at inaaping mamamayan, ang paglaban ng mamamayan ‘yan ay walang kamatayan. Maniwala ka sa akin,” aniya.

Samantala, sa huling bahagi ng panayam, sinabi niya: “Magtatagumpay din tayo, maniwala ka.”