Sa bugso ng mga taong nagsipagdalo sa ikatlong Trillion Peso March, na isinabay sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power I nitong Miyerkules, Pebrero 25, isang ginang ang tumindig sa paniniwalang nasa taumbayan ang tunay na kapangyarihan.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Beth Yang, 67 taong gulang, lider ng organisasyong pangkababaihan na “Pilipina,” naniniwala siya sa kahalagahan ng paggunita sa demokrasya ng bansa.
“Kailangan nating tandaan na nasa mamamayan ang kapangyarihan, at hindi sa iilan. Pero siyempre, kailangan patuloy na pag-organisa, patuloy na consciousness raising awareness, values formation ng mabuting asal—kasama dito ang panlipunang mabuting asal, social values. Pakikipagkapwa, paglaban ng katarungan—lalo na ‘yong maliliit—at dapat walang naiiwan sa ating lipunan,” saad ni Beth.
Inalala rin ng ginang ang kaniyang mga karanasan hinggil sa naganap na People Power Revolution noong Pebrero 25, 1986.
“Oo, [nakapunta ako sa mismong 1986 People Power I] dito kami sa Gate 5 ng EDSA. Kasi at that time, nagtatrabaho ako sa De La Salle University (DLSU)—at nag-mobilize ang pamantasan ng mga estudyante, mga faculty. Unang-una, noong snap elections sa NAMFREL, pagkatapos noong nag-umpisa ‘yong civil disobedience at umaklas sina Sec. Enrile at nanawagan si Cardinal Sin na pumunta dito sa EDSA. So, kabilang kami doon sa mga nagbantay, so natulog ako ng dalawang gabi sa may Gate 5,” anang ginang.
Saad pa ni Beth, may mga aral siyang napulot sa EDSA na hanggang ngayon ay nararapat pa rin daw gawin ng bawat isa.
“Dapat din nating gawin ay ipaglaban ang ating boto. So, huwag magbenta ng ating boto at bantayan ang ating boto—tiyaking hindi mapupunta sa maling kandidato. Pangalawa siyempre, alam naman natin, hindi naman nalutas ‘yong systemic problem after People Power…patuloy ang paglaban sa mga mapang-aping estraktura kagaya ng political dynasty. So, sinusuportahan ko rin—ng organisasyon namin—’yong pagpasa ng progresibong anti-dynasty law,” aniya.
Pagbabahagi pa niya, isa raw sa mga inaasahan niya matapos ang kilos-protesta ay ang tuluyan nang makulong ang mga sangkot sa malawakang katiwalian sa bansa.
“Siyempre, ang inaasahan ay nangako ang kasalukuyang Presidente Marcos na ikukulong ang mga kurakot. Pinangako niya ‘yon, so inaasahan namin na magiging totoo ‘yon, patotohanan niya,” ani Beth.
Vincent Gutierrez/BALITA