Isang maliit na aso ang tanging nakaligtas sa pagbagsak ng isang military helicopter ikinasawi ng 15 katao.
Ayon sa mga ulat, natagpuan ng mga rescuer ang kulay karamel na aso sa gitna ng nagkadurug-durog na bahagi ng bumagsak na Mi-17 helicopter na bumagsak sa Peru.
Nakahiga ito sa tabi ng katawan ng amo nitong si Colonel Javier Nole, 50-anyos, na sakay ng naturang aircraft kasama ang kaniyang asawa at dalawang anak na babae.
Ayon pa sa mga ulat, maayos ang kalagayan ng aso ngunit dinala pa rin ito sa isang veterinary clinic bilang pag-iingat.
Kabilang sa 15 nasawi sa insidente ang pitong bata nang bumagsak ang Russian-made aircraft sa rehiyon ng Arequipa.
Kamakailan lamang umanong idineploy ang helicopter para tumulong sa rescue operations ng mga biktima ng pagbaha sa lugar.
Lumipad ang helicopter mula sa lungsod ng Pisco sa rehiyon ng Ica. Natagpuan ng mga rescuer ang wreckage, mahigit 300 kilometro ang layo, malapit sa Chala Viejo, isang bayan na nasa baybayin ng Pacific Ocean sa Arequipa.
Nagbukas na ng imbestigasyon ang air force ng Peru upang matukoy ang sanhi ng pagbagsak ng helicopter.