February 25, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Gaano kapanganib na limutin ang diwa ng EDSA People Power Revolution?

ALAMIN: Gaano kapanganib na limutin ang diwa ng EDSA People Power Revolution?
Photo courtesy: via MB

Hindi maikakailang isa sa pinakamahalagang yugto ng kasaysayan ng paglaya at pag-igpaw sa pandarahas at panunupil ang naganap na EDSA People Power Revolution, eksaktong apat na dekada na ang nakalipas mula noong Pebrero 22 hanggang Pebrero 25, 1986.

Bagama’t walang opisyal o malinaw na tala sa dami ng mga nakiisa sa mahalagang kolektibong pagkilos noon, tiyak na aabot sa mahigit daan-libo o milyon ang nagkapit-bisig na mga Pilipino upang wakasan ang diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., at pang-aalipustang idinudulot ng militarisasyon. 

Sa hinaba-haba ng apat na dekadang lumipas at marami na rin ang nakalimot o hindi alam ang talagang nangyari noon, hindi maiwawaksi sa damdamin ng bawat indibidwal ang pangambang mabaon na lang sa limot ang tunay na diwa at aral na ibinahagi ng EDSA sa ganang kalayaan at kapayapaang tinatamasa ng karamihan sa panahong kasalukuyan. 

Dahil dito, gaano nga ba kapanganib ang limutin ang diwa at saysay na itinanim ng EDSA People Power para sa kahihinatnan ng lipunan at ng mamamayan? 

Ayon sa naging panayam ng True FM sa public historian na si Xiao Chua nitong Pebrero 25, 2026, ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng hindi paglimot sa EDSA. 

Mga Pagdiriwang

Apo Whang-Od, 109 na; bakit hindi pa National Artist?

Ani Chua, mapanganib daw na hindi magawang palalimin ng bawat Pilipino ang kahalagahan ng nasabing people power noon. 

“Dangerous ‘yong hindi na natin palalaimin,” pagsisimula niya. 

Paliwanag niya, may posibilidad daw na magpatuloy na lang ang korapsyon, hindi matututo sa kasaysayan, at mawawalan ng inspirasyon ang bawat Pilipino upang labanan ang mga puwersang magdadala ng panganib sa kapakanan ng lipunan kung magiging “trivial” o walang halaga na lang ang EDSA sa bawat isa. 

“Kasi kapag naging trivial na lang ‘yong EDSA People Power Revolution, ‘yong lesson ng kasaysayan, ‘yong kapag ikaw ay nangurakot, kapag ikaw ay lumabag sa karapatang pantao, kapag ikaw ay umabuso sa kapangyarihan na ikaw ay pagbabayarin ng taumbayan ay mawawala sa atin ‘yun,” aniya. 

Dagdag pa niya, “Ang mangyayari diyan, patuloy na magkakaroon ng korapsyon, hindi tayo matututo sa kasaysayan, at kapag nagkaroon ng ganitong mga kadiliman sa ating bayan, wala tayong inspirasyon na paghuhugutan na kaya nating labanan ‘yong imposible na puwersang malalaki.” 

Pagpapatuloy ni Chua, ang natatanging paraan daw upang mapalalim ang tunay na diwa ng EDSA ay magkaroon dapat ng “sense of history” o kamalayan sa kasaysayan ang bawat Pilipino. 

Pagdidiin niya, may papel ang media, mga historyador, at bawat Pilipino upang patuloy na ikuwento ang kasaysayan ng EDSA sa kasalukuyan at maging sa hinaharap para sa susunod na mga henerasyon. 

“Napakaganda na gunitain pa rin ‘yong EDSA at palalimin. Ang magpapalalim lang naman nito ay ‘yong sense of history. ‘Yong mga media na katulad ninyo na nagpapakita, nagkukuwento ng kasaysayan, pinapakuwento sa mga historyador, gumagawa ng mga dokumentaryo, kayo, tayo, at ang bagong henerasyon ang magiging tagapagkuwento na ng EDSA,” paliwanag niya. 

“Kaya hindi ibig sabihin na wala tayo noon ay wala tayong karapatan o katungkulan na magkuwento ng kasaysayan natin sa mga susunod na henerasyon,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: #BALITAnaw: Bakit tinawag na ‘bloodless revolution’ ang EDSA People Power I?

KAUGNAY NA BALITA: UP, binigyang-pugay legasiya ng EDSA Revolution

Mc Vincent Mirabuna/Balita