Nagbiro si dating Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel sa naging social media post ng social media personality at dating senatorial candidate na si Dr. Richard Mata, patungkol sa posibleng tandem ni Vice President Sara Duterte sa pagtakbo niya bilang Pangulo sa 2028.
Mababasa sa post sa verified Facebook page na "Dr. Richard and Erika Mata" noong Pebrero 22 ang tungkol sa inisyal daw na "R.M."
"Possible tandem daw ni VP Sara, R. M. daw ang initials. Sino kaya?" aniya.
Sa comment section, nagbiro pa ang social media personality na puwedeng "Richard Mata" o siya ang tinutukoy.
Ni-reshare naman ni Manuel ang post at kinomentuhan sa pamamagitan ng caption.
"Underage pa po ako," aniya.
Photo courtesy: Raoul Manuel/FB
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"Robin Madilla?"
"Romualdez, Martin?"
"Yan ang reveal of the year"
"Kung saan ka masaya cong support lang kami."
Tugon naman ni Manuel sa nabanggit na komento ng netizen, "yes to political maturity! Yes to service above politics! Walang kulay ang paglilingkod!"
Samantala, ang mga lumulutang na pangalang posible raw i-tandem kay VP Sara ay sina Sen. Imee Marcos, Sen. Bong Go, Atty. Jimmy Bondoc, at Sen. Rodante Marcoleta.
Nabanggit naman ni Padilla na wala aniya siyang balak tumakbong VP bagama't susundin daw niya kung anuman ang ipag-utos ni FPRRD.
Sa isang panayam, nasabi naman ni VP Sara na noong 2025 pa niya "na-recruit" ang nabanggit na ka-tandem subalit tumanggi muna siyang tukuyin kung sino.
Samantala, wala namang direktang sagot sina Marcos, Go, Bondoc, at Marcoleta patungkol sa nabanggit na posibilidad.