Tahasang ipinahayag ng Malacañang na dapat respetuhin ni Vice President Sara Duterte ang mga prosesong isasagawa ng Kamara hinggil sa apat na impeachment complaints na inihain laban sa kaniya.
Kasunod ito ng pag-refer ng mga naturang impeachment complaints sa House Committee on Justice noong Lunes, Pebrero 23.
MAKI-BALITA: 4 na impeachment complaints vs VP Sara, nai-refer na sa House Committee on Justice-Balita
Sa panayam ng News5 kay Presidential Communications Office (PCO) at Palace Press Officer Atty. Claire Castro nitong Martes, Pebrero 24, idiniin niya na dapat daw irespeto ni VP Sara ang proseso ng mga nakabinbing complaints laban sa kaniya.
“‘Yon talaga ang proseso. Kung ikukumpara natin sa naging komento ng Pangulo nang siya ay nakasalang sa impeachment complaints, ang sabi ng Pangulo, irespeto natin ang proseso. Kasi proseso ‘to e, so sundin lamang nila ‘yong batas at sila ay magdesisyon base kung ano ‘yong makikita’t mai-pepresent diyan,” saad ni Usec. Castro.
Giit niya, “So sana, ganoon din ang bise presidente. Dapat, huwag siya maging rude, ‘di ba, sa mga miyembro ng House of Representatives (HOR) kasi trabaho lang ito, e. So kung ano ‘yong proseso, dapat ‘yon lang ‘yong gawin.”
Nanindigan din ang press officer na dapat ibase ang desisyon sa mga ebidensyang makikita sa ikakasang imbestigasyon at pagsusuri.
“Kung ano ‘yong nakikitang ebidensya, e doon na lang siguro sila tumingin. Kung may ebidensya laban kay bise presidente, then so be it. Kung wala, e ‘di bahala po sila kung ano’ng magiging desisyon nila,” anang press officer.
“Basta dapat sana proseso at ebidensya, ‘yon lang naman po ang kailangan,” pagtatapos niya.
Matatandaang sa gitna ng apat na impeachment complaints laban sa kaniya, nanindigan si VP Sara na siya ay tatakbo sa 2028 elections.
“Ako si Sara Duterte, tatakbo bilang Pangulo ng Pilipinas,” saad ni VP Sara sa ginanap na press briefing ng Office of the Vice President (OVP) sa Mandaluyong City kamakailan.
MAKI-BALITA: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA