Humarap na sa publiko ang labingwalong mga dating kasamahan umano ni retired Marine TSgt. Orly Guteza bilang security personnel noon ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.
Sa ginanap na press conference nitong Martes, Pebrero 24, isa-isa silang ipinakilala ng whistleblower sa Pork Barrel Fund Scam case ni Janet Napoles na si Atty. Levi Baligod.
Aniya, “Gusto ko pong ipakilala sa inyo ang mga sundalong ito ay wala na sa serbisyo ngunit ang nasabi nila sa akin, ito na marahil ang huling labanan na kanilang papasukin.”
“At gusto nilang magpakasundalo sa ating bayan,” dugtong pa ni Baligod.
Ayon sa abogado, may 12 kasamahan pa umano ang mga hindi na ito makakadalo dahil sa mga personal na rason.
“Ang dalawa ay mayro'ng silang kasama sa buhay na nagtatrabaho pa sa gobyerno. At mayroon silang pag-aalinlangan na maaaring maapektuhan ang trabaho ng kanilang mga asawa,” saad ni Baligod.
Dagdag pa niya, "'Yong sampu na hindi pa nakadalo ngayon ay tinatawag ko po na second batch. Lalabas din po sila sa tamang panahon.”
Matatandaang si Guteza ang dating Senate witness na nagsiwalat umano ng paghahatid ng mga maleta na puno ng pera sa bahay ni Leyte Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ipinrisinta siya ni Sen. Rodante Marcoleta sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 2025.
Maki-Balita: 'Male-maletang pera!' Zaldy Co, kinumpirma naging testimonya ni Orly Guteza