Inihayag ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na nakikipag-ayos na umano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang video post na ibinahagi ni Roque sa kaniyang Facebook page nitong Lunes, Pebrero 23, 2026, iginiit niyang isang confidential source daw ang nagsabi sa kanila ng naturang impormasyon.
“[Ayon sa] confidential source namin, gusto makipag-ayos ni Marcos Jr., kay VP Sara,” ani Roque.
Dagdag pa niya, “Syempre, kilala ko na 'yang si VP Sara, tapos na. The train has left. Wala nang balikan 'yan.”
Ayon pa kay Roque, tanging ang pagkamit lang daw ng katarungan ang nais ni VP Sara dahil sa sinapit ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakakulong sa pasilidad ng International Criminal Court (ICC).
“Ang gusto ni Inday Sara ngayon, katarungan sa nangyari sa kaniyang ama na hanggang ngayon ay nakakulong sa The Hague,” saad ni Roque.
Hirit pa niya, “At talaga namang hindi 'yan magpapatawad.”
Iginiit din niyang tila natatakot na raw kasi ang mga kaaway ni VP Sara matapos ang kaniyang pagkumpirma sa kaniyang kandidatura sa pagka-Pangulo sa 2028.
“Kaya takot na takot na sila ngayon. Nanginginig na sila. Dahil baka mamaya lahat ng plano nila hindi na umepekto at maging Presidente pa rin [si VP Sara], lagot na sila,” aniya.
Matatandaang noong Pebrero 18 nang ihayag ni VP Sara ang pagnanais niyang tumakbo bilang susunod na Presidente ng bansa.
“Ako si Sara Duterte, tatakbo bilang Pangulo ng Pilipinas,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!
Kasunod nito, nilinaw na rin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na hindi raw magkakaroon ng loyalty check sa lokal na pamahalaan bunsod ng naging anunsyo ni VP Sara.
“Alam mo ang politika, hindi naman higpitan 'to eh, pagalingan 'to eh,” ani Remulla.
Dagdag pa niya, “So, I think she will be a good candidate and we're not stopping anyone. Walang loyalty check dito.”
KAUGNAY NA BALITA: ‘Walang loyalty check!' SILG Remulla, wala raw epekto sa LGUs ang presidential bid ni VP Sara