Nagbigay ng komento si dating Philippine National Police (PNP) chief at kasalukuyang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III kaugnay sa naging pagdakip niya at pagdadala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands noon.
Ayon sa naging panayam ng GMA Integrated News kay Torre nitong Lunes, Pebrero 23, 2026, sinagot niya ang tanong tungkol sa kung may nararamdaman siyang pagsisisi sa pagdadala noon kay FPRRD sa detention center ng International Criminal Court (ICC).
“Wala kayong pagsisisi na ginampanan ninyo ‘yong trabaho n’yo na ang dating Pangulo ay madala po sa The Hague,” tanong sa kaniya.
Ani Torre, ginawa lang daw niya ang kaniyang tungkulin at may mga lehitimong utos naman daw mula sa ICC, na idinaan sa INTERPOL, ang naging pagdakip niya noon kay FPRRD nang mayroong daw propesyonalismo.
“Ako naman, ginagawa ko ‘yon, tawag ng tungkulin ‘yon, e. There is a legitimate order from the ICC na idinaan sa INTERPOL at idinaan sa local channels natin. So [ni-served] natin with professionalism, with restraint,” pagsisimula niya.
Paglilinaw ni Torre, wala raw siyang personal na motibo sa naging pagdakip niya sa dating Pangulo at “duty” o trabaho niya raw iyon na kailangan niyang sundin.
“Wala tayong personal na motibo roon. Sa akin lang, trabaho lang ‘yon—duty at wala tayong ibang hangarin doon,” aniya.
Pagpapatuloy niya, maaari naman daw magsampa ng mag wastong kaso ang mga nagsasabing “kidnapping” umano ang naging pagdakip niya noon kay FPRRD.
Pagkukuwento pa ni Torre, marami na rin daw ang nagsampa ng mga kaso laban sa kaniya ngunit wala naman daw na umuusad sa ngayon.
“They can file the appropriate charges at marami na ngang nag-file ng appropriate, ng ganoong klaseng charges sa atin at wala namang nag-i-stick up to the moment,” saad niya.
‘Ika niya, naniniwala raw siyang kailangan niyang resputihin ang mga opinyon ng ibang mga tao ngunit usapin na raw iyon kapag kailangan nang patunayan sa Korte.
“I would like to believe na ‘yan ay opinyon na dapat nating respetuhin. Pero in terms of substantiating in Court ay isang entirely different thing,” pagtatapos pa ni Torre.
Kaugnay nito, nakatakdang magsimula ang pagdinig ng ICC sa confirmation of charges nila kaugnay sa mga kasong kinakaharap ni FPRRD mula Lunes, Pebrero 23 hanggang Biyernes, Pebrero 27, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: Karapatan Alliance PH sa 'di pagdalo ni FPRRD sa pagdinig ng ICC: 'Signos ito ng karuwagan!'
KAUGNAY NA BALITA: 'In-person family visits' bawal muna kay FPRRD habang may hearing
Mc Vincent Mirabuna/Balita