February 23, 2026

Home BALITA

QC Government, ‘di kinokontrol freedom of expression sa EDSA Anniv

QC Government, ‘di kinokontrol freedom of expression sa EDSA Anniv
Photo Courtesy: QC Government (FB), John Louie Abrina/MB

Nagbigay ng paglilinaw ang lokal na pamahalaan ng Quezon City tungkol sa nakakasang rally sa Pebrero 25 bilang bahagi ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power.

Sa isang Facebook post ng Quezon City Government noong Linggo, Pebrero 22, sinabi nilang nais umano nilang balansehin ang interes ng publiko at ng mga magsasagawa ng pagkilos.

“Hindi pista opisyal sa Miyerkules, at tungkulin ng lokal na pamahalaan na balansehin ang interes ng publiko at ng mga nais magsagawa ng pagtitipon. Ang tuluyang pagsasara ng EDSA ay magdudulot ng perwisyo sa mga pumapasok sa trabaho at eskwela,” saad ng lokal na pamahalaan ng lungsod.

Kaya naman matapos ang kanilang pagsusuri sa mga dokumentong ipinasa, pinamayagan nila ang Trillion Peso March Movement na mag-organisa ng pagtitipon sa balwarte ng Quezon City.

Probinsya

Bangkay ng vlogger, natagpuang nakagapos, balot ng t-shirt ang mukha at may busal sa bibig!

Samantala, ang ibang grupong nagplanong magsagawa ng sariling programa sa bahagi ng ESA-Ortigas ay inendorso sa lokal na pamahalaan ng  Mandaluyong at Eastern Police District dahil hindi na ito bahagi pa ng hurisdiksyon ng Quezon City at ng Quezon City Police District.

Dagdag pa nila, “Nagmungkahi rin ang lokal na pamahalaan na magkaroon ng iisang entablado para sa lahat nang sa gayon ay magiging madali ang pagkontrol sa daloy ng trapiko at kaayusan ng lugar, ngunit taliwas ito sa kagustuhan ng ilang panig at ito ay aming nirerespeto.”

Kaya naman paglilinaw nila, walang grupong pinagbawalang magsagawa ng pagkilos batay sa pinaniniwalaan ng mga ito.

Anila, “Ang mga naging hakbang ng lokal na pamahalaan ay alinsunod sa umiiral na batas at territorial jurisdiction. When the proposed venue is outside Quezon City, it is our duty to refer the organizers to the proper authorities.”

“Wala ring katotohanan na ipinagbawal ng lokal na pamahalaan ang pagdadala ng mga placard, o may tangka na kontrolin ang kanilang kalayaang magpahayag ng damdamin,” dugtong pa ng Quezon City Government.

Matatandaang nanindigan ang Koalisyong Makabayan na iraratsada nila ang kanilang sariling bersyon ng protesta sa EDSA Shrine, isyuhan man sila ng permit o hindi.

Maki-Balita: Koalisyong Makabayan, raratsada ng protesta sa Feb. 25 'may permit man o wala!'