February 23, 2026

Home BALITA

NBI Director Matibag, sinigurong isusulong interes ng bansa, pananagutin 'kahit kaibigan, kaalyado'

NBI Director Matibag, sinigurong isusulong interes ng bansa, pananagutin 'kahit kaibigan, kaalyado'
Photo courtesy: MB


Tiniyak ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na sisiguruhin niyang masusunod ang pambansang interes, kasunod ang pagkakaluklok sa kaniya bilang bagong hepe ng ahensya.

Sa ibinahaging pahayag ni Matibag sa media nitong Lunes, Pebrero 23, klaro naman daw sa kaniya ang mga direktibang ibinaba mismo sa kaniya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

“Malinaw ang instruction ng Pangulo na dapat ‘yong mga krimen ay pananagutin, at alam naman natin ang number 1 na campaign ngayon ng ating presidente is against corruption,” saad ni Matibag.

Giit niya, “[Nandito] ngayon sa NBI ‘yong mga mararaming isyu, hahanapin natin ‘yan. Sabi niya, kailangan ‘yong interes lagi ng bansa ‘yong ating isusulong at hindi personal na interes.”

Paglilinaw pa ng bagong NBI director, tiyak niyang pananagutin ang mga sangkot sa anumang kamalian—kaibigan man ito o kapartido.

“So kung mayroong mga mananagot na aking mga kaibigan, mga kapartido’t kaalyado, e dapat po nating panagutin. Alam naman po nila ‘yan, ‘yong amin pong pagkakaibigan ay natatapos ’pag ka po ‘yong panawagan sa panunungkulan sa bayan ay nandoon,” anang NBI director.

Matatandaang nanilbihan si Matibag sa administrasyong Duterte bilang acting Cabinet Secretary noong taong 2022.

Siya rin ay naging Secretary-General ng PDP-Laban, at nag-resign naman noong 2023.

Ngayong Lunes, Pebrero 23, pormal nang itinurn-over ni ex-NBI Director Lito Magno ang liderato ng ahensya kay Atty. Melvin Matibag.

MAKI-BALITA: KILALANIN: Ex-Duterte appointee Atty. Melvin Matibag, ang nakatakdang bagong NBI Director-Balita

KAUGNAY NA BALITA: Atty. Melvin Matibag, nanumpa na bilang bagong NBI Director!

Vincent Gutierrez/BALITA