Naniniwala ang apo nina Ninoy at Cory Aquino at Tindig Pilipinas co-convenor na si Kiko Aquino-Dee na buhay na buhay pa rin daw ang kahalagahan ng mga naganap sa EDSA People Power I sa diwa ng kabataan.
KAUGNAY NA BALITA: Panawagang marahas na pagpapatalsik kay PBBM, ekis sa Trillion Peso March
Ayon sa naging panayam kamakailan ng GMA News kay Dee sa Quezon City, sinabi niyang tila nagpapatuloy pa rin ang saysay ng EDSA People Power maging sa mga Generation Z o “zoomer,” at Generation Alpha (Gen Alpha).
“Hindi ko po alam kung ‘yong mismong salitang ‘EDSA’ o ‘people power’ ay resonant po sa mga Gen Z, sa mga Gen Alpha,” pagsisimula niya.
Pagkukuwento niya, “Pero ako, ang hugot ko parati ay noong Trillion Peso March po, one week before September 21 po ‘yon—September 13, meron pong mga college students po na nag-imbita sa akin na sumama sa isang pagkilos na ito ‘yong unang kilos-protesta nila at sila po’y nag-organised nito.”
Dahil umano dito, tingin daw niyang buhay pa rin ang makasaysayang pangyayari noon sa EDSA People Power sa mga puso ng kabataan.
“So ako, tingin ko, parang buhay na buhay pa rin ‘yong diwa ng people power sa mga puso ng mga kabataan,” diin niya.
Ani Dee, bagama’t magkakaiba na raw ang mga salitang ginagawa ng bagong henerasyon, malinaw daw na buhay pa rin ang hangarin ng lahat upang kilalanin ang lakas ng sama-samang pagkilos at pag-angkin sa tungkulin ng bawat kabataan na maging parte ng solusyon sa problemang kinakaharap ng Pilipinas.
“Iba man ‘yong salitang ginagamit nila pero ‘yong ganoong pagkilala sa lakas at sama-samang pagkilos, at ‘yong pag-angkin dito sa tungkulin nating maging parte ng solusyon sa lahat ng problema ng ating bansa ay buhay na buhay pa rin po sa mga Gen Z, sa mga Gen Alpha,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Trillion Peso March Movement, tutol sa kudeta, military junta, atbp sa EDSA Anniv
KAUGNAY NA BALITA: Juana Change, inurirat si Kiko Dee: 'Bakit ayaw singilin si Marcos sa EDSA 40?
Mc Vincent Mirabuna/Balita