February 23, 2026

Home BALITA National

Erice sa posibleng alyansa ng LP, admin: 'Pati mga namatay naming leader, baka bumangon!'

Erice sa posibleng alyansa ng LP, admin: 'Pati mga namatay naming leader, baka bumangon!'
Photo courtesy: Egay Erice/FB, Liberal Party of the Philippines/FB, RTVM/YT


Itinanggi ni House Senior Deputy Minority Leader at Caloocan City 2nd District Rep. Edgar "Egay" Erice ang mga haka-haka sa umano’y diskusyong nagaganap sa pagitan ng Liberal Party (LP) at administrasyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. hinggil sa posibleng alyansa ng mga ito para sa 2028 elections.

Sa panayam kay Rep. Erice sa programang “Ted Failon and DJ Chacha” sa True FM nitong Lunes, Pebrero 23, inamin niyang malayong mangyari ang maugong na usapin patungkol dito.

“Wala pa po kaming pag-uusap na pormal sa Partido Liberal, at lalong wala po kaming pag-uusap patungkol po sa pakikipag-koalisyon sa administration. Palagay ko po, ‘yon po ay napakalayo. Sa palagay ko po ay pati ‘yong mga namatay naming mga leader baka bumangon sa kanilang mga kinalalagyan kung kami ay makikipag-koalisyon sa administration,” saad ni Erice.

Sa palagay pa raw niya, hindi papayag si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na makipag-alyansa ang partido liberal sa mga Marcos.

“Simple lang po ‘yong discernment process ko, e. Kung nabubuhay si PNoy, ano ba ‘yong kaniyang magiging opinyon tungkol dito. Kasi nakita ko si PNoy, malaki sakripisyo sa bayan natin—mahal na mahal niya ang bayan natin hanggang namatay siya—kaya ‘yon ‘yong aking basehan ng mga desisyon,” aniya.

Giit pa niya, “Sa tingin ko po ay hindi siya papayag na kami ay makipag-[koalisyon] sa Marcos administration—hindi lang dahil doon sa naranasan natin noon sa kaniyang ama, kay Presidente Marcos [Sr.]—kung hindi dito sa pinakamalaking nakawan na nangyari sa ating bayan na hindi pa po nangyari sa anumang administrasyon noong mga nakaraan.”

Pagbabahagi pa ng kongresista, kaunti na lamang ang miyembro ng kanilang partido.

“Naku e kaunti lang po. E dati po Volkswagen Party kami, baka ganoon din po. Pero mayroon kaming mga leaders sa mga local governments, may mga leader po kami sa iba’t ibang sektor. Hindi ko na po mabilang pero hindi po marami noon,” anang kongresista.

Natanong din si Erice kaugnay sa posisyong hinahawakan ni dating Vice President at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo sa LP.

“Wala po, siya po [VP Leni] ay nagbitiw sa kaniyang mga posisyon sa Liberal Party. Ngayon po, ang Chairman Emeritus [ay] si Sen. Kiko. Ang presidente po namin ngayon ay si Erin Tañada,” pagbabahagi ni Erice.

Ngunit paglilinaw niya, miyembro pa rin naman daw ng LP si Robredo base sa kaniyang pagkakaalam.

Natanong din ang kongresista patungkol naman sa ibang mga grupong nagsisimula nang kumausap sa partido liberal para sa posibleng koalisyon.

“Wala pa po, wala pa po except siguro ‘yong mga nasa Akbayan, mayroon pong mga…pero informal pa lang po, wala pa pong mga pormal na pag-uusap tungkol dito,” aniya.

Matatandaang nagsimulang maging maugong ang usapin kaugnay sa posibleng alyansa ng iba’t ibang partido matapos ideklara ni Vice President Sara Duterte na siya ay tatakbo sa pagkapangulo sa taong 2028.

MAKI-BALITA: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA