February 23, 2026

Home BALITA

Atty. Matibag, prayoridad ang reporma sa pag-isyu ng NBI clearance

Atty. Matibag, prayoridad ang reporma sa pag-isyu ng NBI clearance
Photo courtesy: Atty. Melvin Matibag/FB, NBI


Siniguro ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag ang patuloy na reporma ng ahensya hinggil sa pag-iisyu ng NBI clearance.

Sa panayam ng One Balita Pilipinas kay Matibag nitong Lunes, Pebrero 23, sinabi niyang nagsisimula na ang pagbabago ng sistema para sa naturang dokumento.

“Well, I was informed lang po kanina na medyo umaandar na po pala ‘yong reporma sa pagkuha ng NBI clearance,” ani Matibag.

Kinilala rin niya ang umano’y hirap na dinaranas ng mga pangkaraniwang Pilipino para makapag-request ng nasabing dokumento.

“‘Pag titingnan po natin, parang napaka-basic pero I think, bawat isa sa atin dumanas po rito, nagkaroon ng hirap. ‘Yon pong nagkakaroon ng mga hit, halimbawa, may kapangalan po kayo na wala naman kayong kaso, it will take 5 to 10 days bago mo makuha ‘yan—which delay the process na minsan, nakakaapekto sa mga ordinaryong mamamayan natin,” aniya.

“Ang atin pong mga OFW will be required to get their clearance, minsan kailangan pang bumiyahe nang malayo, pumunta para makakuha,” dagdag pa niya.

Isusulong din daw ng ahensya ang patakarang accountability, transparency, at integrity—lalo sa panahon ngayon na gustong makatulong ng ahensya upang tumibay at maibalik ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan.

Isa ang NBI Clearance sa mga dokumentong hinihingi ng mga kompanya sa mga aplikante sa pag-aaplay ng mga ito sa trabaho.

Matatandaang tiniyak din ni Matibag na isusulong niya ang pambansang interes sa ilalim ng kaniyang liderato sa NBI.

“Malinaw ang instruction ng Pangulo na dapat ‘yong mga krimen ay pananagutin, at alam naman natin ang number 1 na campaign ngayon ng ating presidente is against corruption. [Nandito] ngayon sa NBI ‘yong mga mararaming isyu, hahanapin natin ‘yan. Sabi niya, kailangan ‘yong interes lagi ng bansa ‘yong ating isusulong at hindi personal na interes,” saad ni Matibag.

MAKI-BALITA: NBI Director Matibag, sinigurong isusulong interes ng bansa, pananagutin 'kahit kaibigan, kaalyado'-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA