Nauwi sa pamamaril ang paghahanap ng gadget ng isang 11 taong gulang na lalaki, matapos kumpiskahin ng kaniyang adoptive father ang Nintendo Switch niya.
Ayon sa mga ulat, ikinagalit ng suspek ang pagkuha sa kaniya ng biktima ng kaniyang Nintendo Switch upang makatulog siya.
Bandang 3:00 ng umaga noong Enero 13, 2026, nang mangyari ang krimen sa kanilang tahanan sa Pennsylvania matapos pasukin ng suspek ang kwarto ng kaniyang mga magulang. Napag-alamang konektado raw ang kwarto ng suspek sa kwarto ng biktima sa pamamagitan ng isang cabinet.
Batay sa imbestigasyon, isang drawer ang binuksan ng suspek upang hanapin lang sana kung nasaan nakatago ang Nintendo Switch niya ngunit, sa halip na gadget, ang baril ng biktima ang nakuha niya.
Doon na raw nagdesisyon ang suspek na lagyan ng bala ang baril at iputok ito sa biktima. Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo ang kaniyang adoptive father na agad niyang ikinasawi.
Ayon pa sa mga awtoridad, katabi ng biktima ang kaniyang misis na nagising sa malakas na putok ng baril. Nang gisingin niya ang biktima, nagulat na lamang ito nang makita ang dugo sa kanilang kama.
Nagawa pa raw sumigaw ng suspek ng mga katagang, “Daddy’s dead,” at kalauna’y inamin niya sa kaniyang ina ang ginawang krimen.
Lumalabas sa sinumpaang pahayag ng suspek na galit ang naging motibo niya sa pagbaril sa biktima.
Noong Pebrero 19 nang muling tumuntong sa korte ang suspek. Nahaharap siya sa kasong criminal homicide at itinuturing ng batas na “charged as an adult.”