February 22, 2026

Home BALITA

'We should take it seriously!' Ilang buwang pag-MIA ni Sen. Bato sa Senado, pag-uusapan na?

'We should take it seriously!' Ilang buwang pag-MIA ni Sen. Bato sa Senado, pag-uusapan na?
Photo courtesy: MB File photo

Iminungkahi ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson Sr. na repasuhin ng Senado ang internal rules nito upang matukoy ang magiging hakbang sa mga sitwasyong tulad ng matagal na pagliban sa sesyon ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Sa panayam ng media kay Lacson noong Sabado, Pebrero 21, 2026, ayon sa kaniya, may probisyon ang mga alituntunin ng Senado hinggil sa tuloy-tuloy na pagliban sa mga committee hearing, ngunit wala para sa plenary sessions.

“I think we should revisit the rules of the Senate para ma-incorporate ang situation [to incorporate the situation] like that of Sen. Bato,” ani Lacson sa panayam matapos ang homecoming ng Philippine Military Academy Alumni Association sa Baguio City.

Dagdag pa niya, posibleng mapag-usapan ang usapin sa caucus ng mga senador.

Probinsya

Higit 50 katao, nawawala sa gumuhong landfill sa Rizal; ilang pamilya, inalok ng pera 'wag lang magsalita?

“I think we should take it seriously. On Monday, ‘pag may all-senators’ caucus, it could come up and we could have a consensus,” aniya.

Matatandaang hindi na dumadalo sa Senado si Dela Rosa matapos ipahayag ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na naglabas umano ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa kanya.

 Si Dela Rosa ang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na nanguna sa kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.

Pinangalanan din siya bilang isa sa mga co-perpetrators sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, bagaman wala pang kumpirmasyon ang ICC hinggil sa sinasabing warrant.

Samantala, nahalal si Senador Robin Padilla bilang kapalit ni Dela Rosa sa makapangyarihang Blue Ribbon Committee, ngunit walang ibinigay na paliwanag sa plenaryo tungkol sa pagbabago.

Nauna nang sinabi ni Lacson noong huling bahagi ng Enero na pinag-aaralan ng liderato ng Senado ang posibleng parusa sa senador, kabilang ang hindi pagpapasahod dahil sa tuloy-tuloy nitong pagliban.

Sinabi rin ni dating senador Antonio Trillanes IV na magsasampa siya ng ethics complaint sa Mayo sakaling magpatuloy ang hindi pagharap ni Dela Rosa sa Senado.