Ibinunyag ni Vice President Sara Duterte na nakaraang taon pa siya nakapili ng kaniyang magiging ka-tandem para sa darating na halalan sa taong 2028.
Kasunod ito ng kaniyang pagpapahayag ng interes na kumandidato bilang susunod na Pangulo ng Pilipinas, sa isinagawang press briefing ng Office of the Vice President (OVP) sa Mandaluyong City kamakailan.
MAKI-BALITA: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!-Balita
Sa pakikipanayam ni VP Sara sa programang “Vox Populi” ng SMNI Network noong Linggo, Pebrero 21, hindi niya pinangalanan kung sino ang sinabi niyang na-recruit niya bilang running mate sa susunod na halalan.
“Ito sasabihin ko na lang ha, kasi tinanong n’yo na e. Ayaw ko rin naman na…may ni-recruit ako. Hanggang diyan lang ha. Hanggang diyan lang ang sasabihin ko. Ni-recruit ko siya last year pa,” ani VP Sara.
Saad pa ng Pangalawang Pangulo, hindi muna dapat pag-usapan ang nasabing personalidad, upang maprotektahan ito at mabigyan pa ng sapat na pagkakataong makapag-isip.
“Kaso, huwag na muna natin ‘yan pag-usapan. Protektahan natin ‘yong tao hanggang sa makapagdesisyon siya, kung anong gagawin niya sa karera niya,” anang Pangalawang Pangulo.
Samantala, maugong na posibleng ka-tandem ni VP Sara sa 2028 elections ang ilang mambabatas tulad nina Sen. Imee Marcos at Sen. Robin Padilla, ngunit walang kumpirmasyon kaugnay sa mga ito.
KAUGNAY NA BALITA: 'Basta inutos ni Digong, susunod ako!' Sen. Robin, raratsada sa pagka-VP sa 2028?-Balita
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee 'forever running mate' ni VP Sara: 'Basta sunud-sunuran ako do'n!'-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA